Samar, nagbabayanihan sa paggawa ng mga bangka

MANILA, Philippines - Buhay na buhay ang bayanihan sa Basey, Sa­mar kung saan nagtutulungan ang mga ma­ngi­ngis­dang na­­apektuhan ng bagyong Yolan­da sa pagga­wa ng bang­kang de motor. Gamit ang nalikom na do­nasyon, pinagka­looban ng Sagip Kapamilya ng ABS-CBN ang mga residente ng mga materyales para sa paggawa ng mga bagong bangka. 
Laking pasasalamat ng mga ma­nginigisda sa proyekto na tutulong sa pagba­ngon muli ng kanilang kabuha­yan. 
“Posibleng mapag-aral ko na ang da­lawa kong anak na gustong mag-kolehiyo,” pahayag ng mangi­ngisdang si Sanito Colminar sa panayam ng TV Patrol.



Mahigit sa 465 bangkang de motor ang pinagtutulungang buuin ng mga residente sa Basey na ipapamahagi sa mga mangingisda sa 20 coastal barangays doon. Ang ilang bangka ay magagamit na sa susunod na linggo.


Ayon sa Sagip Kapamilya at Bantay Kalikasan 4,000 bangka ang tar­get nilang ipamigay sa mga residente ng Basey, Dulag, Leyte, at pati na rin sa Sta. Rita sa Leyte at Marabut sa Samar. Sa kabuuan, 303 bangka at iba pang kagamitan sa pangingisda ang naipamigay na sa iba’t-ibang coastal areas.
Ang mga bayan ng Basey at Dulag ang opis­yal na itinalaga ni Pangulong Be­nigno Aquino III, sa pamama­gi­tan ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Reco­very (PARR) Pan­filo Lacson, sa ABS-CBN para pag­tuunan ng mga pro­yektong pang­rehabilitasyon. Nag-aabot din ang Sa­gip Kapa­milya ng tulong sa kala­pit na bayan nitong Marabut at Sta. Rita.
Nakakasa na rin ang pagpa­pa­tayo sa 108 na silid-aralan sa Basey at Dulag. Dalawampu’t isa dito ang nasimulan na habang apat ang nakatindig na at handa nang gamitin sa pasukan.
Tuluy-tuloy din ang pamamahagi ng tulong ng Sagip Kapamilya sa mga nasalanta. Noong Marso 31 ay mayroon na itong 3,636,475 indibidwal na na­a­butan ng relief goods.
 Bukod dito ay tumutulong din ang Sagip Ka­pamilya sa pagpapanumbalik ng turismo sa Basey na tanyag sa atraksyon nitong Sohoton Cave. Sampung kayak boats ang ipinagkaloob sa ecotourism site doon.



Ang iba pang proyektong pangkabuhayan na inihahan­da para sa mga taga-Basey at Dulag ay ang pagpapadami ng alimango, pagtatanim, paghahabi ng banig, at pagpapa-unlad ng ecotourism.



Show comments