Pareho ng stand sina Senator Bong Revilla, Jr. at Senator Jinggoy Estrada.
Mas pipiliin nila na makulong dahil sa kasalanan na ibinibintang sa kanila pero hinding-hindi sila magbibitaw sa mga tungkulin bilang senador.
Ang katwiran ng dalawa, bakit sila magre-resign eh ang taumbayan ang nagluklok sa kanila sa puwesto?
Nasa Holy Land pa rin si Bong at ang kanyang pamilya pero babalik na sila sa Pilipinas sa darating na Linggo.
Inisip ni Bong na muling pakasalan sa Holy Land ang kanyang misis na si Lani Mercado tulad nang ginawa ni Papa Mike Enriquez at ng misis nito.
Pinigilan ko si Bong sa kanyang balak at biniro ko na huwag na silang magpakasal uli ni Lani dahil makukulong na siya.
Alfred namamahinga kasama ang pamilya
Nasa vacation mode si Congressman Alfred Vargas at ang kanyang pamilya.
Pagkatapos ng cremation sa labi ng nanay niya noong Sabado, nagpunta si Alfred at ang pamilya niya sa isang beach resort sa Batangas para magpahinga.
Masyadong dinamdam ni Alfred ang pagpanaw ng nanay niya at makakatulong ang out of town trip para mabawasan ang loneliness na kanyang nararamdaman.
Marian puring-puri ni Derek
Hindi na ako pumunta kahapon sa contract signing ni Derek Ramsay sa Regal Films dahil sa sobrang init ng panahon.
Pinapunta ko na lang sa contract signing ang driver ko na si Junior bilang representative ko.
Ang sabi ni Junior, excited si Derek na maging Regal baby pero mas excited si Mother Lily Monteverde dahil contract star na niya ang hunk actor.
Confirmed na si Marian Rivera ang leading lady ni Derek sa pelikula nito sa Regal Films.
Nag-meet na noon sina Derek at Marian sa New York. Bilib na bilib si Derek sa down-to-earth na ugali ni Marian.
Naghahanap pa si Mother Lily ng mahusay na direktor na mamamahala sa pelikula na pagtatambalan nina Marian at Derek.
Derek inililihim ang bagong karelasyon
Inamin ni Derek na may current inspiration siya na hindi taga-showbiz.
Hindi sinabi ni Derek ang name ng mystery girl or else, tiyak na hahanapin siya ng entertainment press na gagawin ang lahat para makilala ang lucky girl.
Mas mabuti nang hindi pinangalanan ni Derek ang girl para maging tahimik ang kanilang relasyon.
Naranasan na ni Derek na magkaroon ng dyowa na mula sa showbiz pero humantong din sa hiwalayan dahil inintriga ang kanilang love affair, kahit tanungin n’yo pa sina Angelica Panganiban at Cristine Reyes.
Jinkee kabuwanan na
Susubukan ng Startalk na maimbitahan si JÂinkee Pacquiao ng live sa Linggo para malaman ng publiko ang reaksyon niya sa laban nina Congressman Manny Pacquiao at Tim Bradley, Jr.
Panonoorin ni Jinkee sa TV ang laban ng kanyang asawa. Halos kabuwanan na ni Jinkee kaya hindi na siya bumiyahe sa Las Vegas para personal na suportahan ang laban ni Papa Manny.