Vhong naging emosyonal sa desisyon ng DOJ

Vhong Navarro

MANILA, Philippines – Napaluha ang TV host na si Vhong Navarro ngayong Huwebes matapos ibasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo laban sa kanya.

Sa episode ng noontime show na “It’s Showtime” na umere kaninang tanghali ay humarap sa publiko si Vhong upang pasalamatan ang lahat ng sumoporta sa kanyang laban.

“Gusto ko pong magpasalamat sa ating Panginoon. Ang dami ko pong gustong magpasalamat, especially madlang people, maraming-marami pong salamat. Sa mga naniwala, sa mga nagdasal, sa lahat ng nagpalakas ng aking loob, sa aking mga kaibigan sa likod at harap ng camera,” pahayag ng emosyonal na si Vhong. “marami pong salamat sa iyong pagmamahal at suporta.”

Kaugnay na balita: Rape case ni Deniece Cornejo kay Vhong ibinasura ng DOJ

Pinasalamatan din ni Vhong ang kanyang girlfriend na sa kabila nang nagawang kasalanan ay hindi siya iniwan nito.

“Tanya maraming salamat sa pagmamahal, sa pagtitiwala at pagbibigay muli ng second chance.”

Nasangkot sa isang eskandalo si Vhong nitong Enero matapos upakan ng grupo ng negosyanteng si Cedric Lee dahil sa umano’y panggagahasa kay Deniece.

Iginiit ni Vhong na set-up ang nangyari at hindi kailanman niya ginahasa ang modelo.

“Hindi ko magagawang manakit ng babae dahil may kapatid akong babae, dalawa ang nanay ko na kinikilala. Hindi ko po magagawa iyon. Again, salamat po sa inyong pagdarasal.”

Ngayong araw lamang din sinabi ng DOJ na wala silang nakitang probable cause upang ituloy ang kasong rape kay Navarro.

Sa kabila nito ay aprubado naman sa kagawaran ang pagtutuloy ng kasong serious illegal detention at serious physical injury kina Cornejo at sa grupo ng negosyanteng si Cedric Lee.

 

Show comments