Mga sikat sangkot na rin sa bugawan

PIK: Sold out na pala ang tickets ng show ng Eat Bulaga sa Canada. Ilan sa mga kaibigan naming nakabase roon ang nangungulit sa amin kung puwede naming tulungang makabili ng extra tickets pero wala namang magagawa ang mga taga-Bulaga dahil hindi sila ang may hawak ng tickets.

Kaya ang dami pa ring mga kababayan natin sa Canada na uma­asang makakuha pa ng tickets para makapanood ng show ng mga Dabarkads ng Eat Bulaga.

PAK: Dahil sa kuwentong bugawan sa showbiz na inilabas ng Startalk. Isang kilalang aktres ang nagkuwento sa amin na minsan daw ang daddy niya ay inalok ng isang bugaw kung gusto nitong maka-date ang isa ring sikat na aktres.

Matagal na raw iyon pero nagbibida na noon si aktres sa isang drama series.

Ang sabi raw, inalok sa kanyang makipag-dinner lang o tipong escort service.

Ikinuwento raw sa kanya ng daddy niya pero ayaw daw niyang maniwala kung alam ito ng sikat na aktres na inaalok siya ng ilang bugaw para mag-escort service. Pero meron daw talagang pumapatol dahil pa-dinner-dinner lang naman daw iyon pero kumikita na sila. Kaya lang ’pag nakikita ito ng mga tao na may ka-dinner na mayamang negosyante o pulitiko, may malisya na agad. Kaya ang iba ay tumatanggi na kapag may mga ganung offer.

BOOM: Puno ang Zirkoh sa Tomas Morato, Quezon City nung isang gabi dahil sa rami nang sumuporta sa benefit show para kay JaMich.

Sila ang magkasintahang Jam Sebastian at Mich Liggayu na naging YouTube sensation dahil sa kanilang love story.

Pero nagkaroon ng cancer of the lungs si Jam at nasa stage 4 na ito kaya nagtulung-tulong ang mga kaibigan nito at ang kamag-anak na makalikom ng sapat na salapi para sa pagpapagamot niya.

Dahil sa dami ng mga supporter ng magkasintahan, nagdagsaan sila lahat sa Zirkoh para magbigay ng suporta sa pinagdadaanan ngayon ng singer.

Punung-puno ng pag-asa ang magkasintahan, lalo na si Jam, na malagpasan nila ito at gagaling siya.

Papakasalan daw niya si Mich ’pag gumaling na siya dahil gusto pa raw nilang magkaanak dahil humihingi na raw ng apo ang mommy ni Jam.

Show comments