Totoo ba ang life after death?

MANILA, Philippines - Ngayong Sabado sa Magpakailanman, kilalanin si Jane Sison, isang babae na ang tanging hina­ngad lang ay makapagbigay ng anak sa kanyang mister na si Ron. Ngunit dahil sa tatlong beses na  siyang nakunan, maiisip ni Jane na hindi itinadha­na na siya ay maging isang ina.

At kahit mas gugustuhin ni Jane na lagi niyang ka­sa­ma ang kanyang mister, hindi niya ito mapigilang pumalaot para magtrabaho sa isang luxury cruise. Paano niya ba naman makukumbinsi ang lalaki na gawin ang gusto niya, kung hindi niya maibigay ang bagay na hinihingi ng asawa niya, ang isang anak.

Nang mabuntis ulit si Jane, ginawa na ng babae ang la­hat ng kanyang makakaya para hindi na makunan pang muli. Sa isip niya ay ito na ang mag­­bibigay sa kanila ni Ron ng happy ending na ina­asam. Ngunit nang ipa­nganak niya si Justine ay lalo pang nawala si Ron sa buhay niya.

Ayon kay Ron, gusto lang niyang kumayod para sa kinabukasan nila at ng kanilang anak; subalit nang mapansin ni Jane na hindi na regular nagpapadala si Ron ng pera para sa kanilang mag-ina ay magsisi­mula na rin siyang maghinala, na ang happy ending na inasam niya noon, ay ending na lang ng relasyon nila ni Ron ngayon.

Dahil sa pag-aalala, at dahil sa pag-doble ng kanyang pagkakayod para itaguyod ang anak, mawawalan ng oras si Jane kay Justine. Mapapabayaan ang anak. Hanggang sa magkaroon ito ng malubhang sakit.

At hanggang sa mamatay si Justine.

Anong buhay pa ang naghihintay kay Jane nga­yong parang isa-isa nang nawawala ang mga bagay na mahalaga sa kaniya? May pag-asa pa bang natitira para sa isang babaeng umasa at nabigo?

Will there be life after death para kay Jane?

Itinatampok si Rhian Ramos bilang si Jane Sison. Kasama rin sina Paolo Contis, Dante Rivero at Marc Justine Alvarez.

Show comments