Matinding hiphop battle tampok sa 2014 Aliwan Fiesta

MANILA, Philippines - Iba’t ibang sikat na grupong nag-champion sa mga inter-barangay contest, regional fiesta, at mga palatuntunan sa telebisyon ang kasali sa hip­hop showdown ng Dance Crew League na siyang pambungad na selebrasyon ng 2014 Aliwan Fiesta.

Sa ika-10 at ika-11 ng Abril, magkakaroon ng eli­minations para sa Dance Crew at BBoy/BGirl si­mula alas-singko ng hapon sa Aliw Theater.  Gaganapin naman ang kampeonato sa ika-24 ng Abril.

Halagang P100,000 ang nakalaan sa magwa­wa­gi ng kampeonato ng Dance Crew, P50,000 sa ikalawang puwesto, at tig-P20,000 sa tatlong runners up.  Sa labanan naman ng mga BBoy / BGirl, P10,000 ang makakamit ng grand prize winner, P5,000 sa second place, at mga karagdagang prem­yo sa mga runners up.

Ang Aliwan Fiesta ay taunang handog ng Manila Broadcasting Company at Star City, kasama ng Cultural Center of the Philippines at ng mga lungsod ng Maynila at Pasay.  Suportado ito ngayong taon ng Tanduay Rhum, Coca Cola, Pride, Unique Toothpaste, Dazz, Alaska Milk, Columbia International Foods, M. Lhuillier, Cherry Mobile, Republic Chemicals, Fukuda, 7-11, 2Go, at ng Philippine Star.

Bukod sa Dance Crew League, tampok din ang patimpalak ang Reyna ng Aliwan sa Aril 25, at ang Grand Parade sa Abril 26 na magmumula sa Quirino Grandstand ng alas-4:00 ng hapon patungo sa CCP Complex kung saan gaganapin ang Awarding Ceremony.

Isang photo exhibit sa Fisher Mall mula ika-28 ng Marso hanggang ika-6 ng Abril ang magsisilbing preview sa mga kaganapan ng Aliwan Fiesta.

Show comments