Solenn binugbog sa mga papuri

’Buti na lang at hindi nalunod si Solenn Heu­ssaff sa puro papuri na ipinagkaloob sa kanya ng lahat niyang kasamahan sa Da Possessed ng Star Cinema na kung saan ay binabalikan ni Vhong Navarro ang paggawa ng pelikula.

Nasorpresa pa nga ang ko­medyante sa parang untimely na movie comeback niya dahil nga hindi pa nalalaunan ’yung pangyayaring kinasangkutan niya at ongoing pa rin ang kaso nito sa korte.

“Pero kung inaakala ng Star Cinema na karapat-dapat na akong mag-pelikula, bakit ako tatanggi? Propesyonal ako para ma­apektuhan ang trabaho ko sa nangyari sa akin. Prinoblema ko lang nung una kung paano ako tatangga­pin ng tao. Pero kung ang mga nakasama ko sa mo­vie ay tinanggap ang lahat bilang trabaho at parang walang anuman, siguro dapat ganun din ako. Na­tapos ang pelikula na parang walang anumang ka­ganapan na nangyari. Hindi namin pinag-usapan,” anang komedyante.

“Maski si Solenn, trabaho lang nang trabaho. Nakabibilib nga ang babaeng ito dahil walang ka­ere-ere. Kahit baguhan kaming mga nakasama niya, game siya. Hindi namin siya kinailangang pa­kisamahan. Wala ring problemang kahalikan. I’m sure marami ang maiinggit dahil may kissing scene kami at sa kanilang mga naiinggit, belat na lang.”

Pia Romero napasama sa pagta-Tagalog

May isyu pala tungkol sa ginawang pagsagot ni Pia Romero (screen name ng dating Kapamilya star na hindi ko matandaan ang foreign sounding family name) dahil sinagot niya in Tagalog ’yung tanong sa kanya ni Sen. Sonny Angara na hindi yata naintindihan ng maraming judges kaya kinailangan pang i-translate ito ng senandor sa kanila. Nagresulta yata ito sa hindi pagkakasama ng dating artista sa Top 5 o 6 finalists kaya nasapawan pa ’yung first runner-up win niya last year sa Binibining Pilipinas pageant.

Pero meron pa namang mga susunod na pageant. Kung si MJ Lastimosa nga na siyang nanalo bilang Bb. Pilipinas-Universe sa kanyang ikatlong pagsali, may tsansa pa rin si Pia na isa pang gustong sumaling muli. Pero, in fairness, mukhang pinakamagaganda ang batch this year ng Binibining Pilipinas candidates.

 

Dennis excited masolo ang anak sa Holy Week

Nakabubuti at blessing in disguise kay Den­nis Trillo ang hindi pagkakaroon ng love life dahil maibubuhos niya ang kanyang panahon sa kanyang anim na taong gulang na anak na lalaki sa isang da­ting beauty queen. For a time ay nagkaroon sila ng problema tungkol sa visitation rights niya pero naayos din ito kaya mas madalas na silang magkasama ng kanyang anak, at ngayon ngang Mahal na Araw ay aligaga siya sa pagpaplano kung ano ang gagawin nila at kung saan sila pupunta.

Wala pa rin siyang kumpletong plano basta kahit saan sila mapunta at abutin, ang importante ay ma-enjoy nila ang kanilang time together.

 

Lovi may chaperon na kapatid sa Europe, hindi maso-solo ni Rocco

Klinaro ni Lovi Poe na hindi lamang silang dalawa ni Rocco Nacino ang magbabakasyon sa Europe ngayong Semana Santa.

“Close sila ng sister ko kaya inimbita nila siyang sumama. Welcome rin sa akin ang pagsama niya dahil feel ko na mas masaya kung mas marami kaming magkakasama-sama,” sabi ng aktres na pagdating sa bakasyon ay sisimulan na ang seryeng Ang Dalawang Mrs. Real na hindi lamang sila ni Dingdong Dantes ang magkakatambal, makakasama rin nila sa serye si Maricel Soriano sa unang salang nito sa GMA bilang bahagi ng isang kakaibang love triangle na ngayon lang mapapanood sa TV.

Show comments