'Legal ang transaksyon’ - Tulfo
MANILA, Philippines — Inamin ng kampo ng komentaristang si Erwin Tulfo na nakatanggap siya ng pera mula sa National Agribusiness Corporation (Nabcor) pero iginiit na hindi ito ilegal.
"Hindi naman payoff ang tawag do'n e, binayaran siya, advertising expenses, doon sa radio station," pahayag ng abogado ni Tulfo na si Nelson Borja.
"Legal ang transaksyon," dagdag niya Borja.
Kaugnay na balita: Tulfo itinangging nakatanggap sa pork scam
Sa sinumpaang salaysay ng mga opisyal ng Nabcor na sina Victor Cacal at Rhodora Mendoza isiniwalat nilang nakatanggap sina Tulfo at Carmelo del Prado Magdurulang o mas kilala sa Melo Prado ng P245,535 bilang suhol mula kay Department of Agriculture Secretary Arthur Yap noong 2009.
Lumapit sina Cacal at Mendoza sa Department of Justice upang maging state witness sa imbestigasyon sa kontrobersyal na pork barrels scam na pinangunahan umano ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles at kinasangkutan nina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Kabilang ang dalawang opisyal ng Nabcor sa mga kinasuhan ng DOJ ng plunder at malversation sa Ombudsman.
Nais naman kasuhan ng kampo ni Tulfo ang pahayagang naglabas ng ulat tungkol umano sa pagtanggap ng suhol mula sa Nabcor.
"That is malicious, that is libelous, and that is damaging, especially sa status in Erwin Tulfo," wika ni Borja.
- Latest