Goma mas pinaboran si Sharon kesa kay Dawn

Naging maganda ang pagtanggap ng mga manonood sa balik-tambalan nina Dawn Zulueta at Richard Gomez sa hit teleseryeng Walang Hanggan pero magmula noon ay hindi pa ito nasusundan ng bagong proyekto.  May balitang inalok kay Goma (Richard) ang role ni Albert Martinez sa Dyesebel pero ito’y i­nayawan umano ni Goma dahil agad mamamatay ang kanyang character sa serye kaya mas pinaboran niya ang balik-tambalan nila ng megastar na si Sharon Cuneta sa tawa-serye na The Pirated Family na pinamamahalaan ni Joel Lamangan sa TV5. 

Bukod sa kanilang tambalan, sina Sharon at Dawn ay parehong naging girlfriend noon ni Goma. Kahit may kani-kanya na sila ng pamilya, aminado si Goma na tanggap pa rin ng mga manonood ang kanyang love team with either Sharon or Dawn.

 

Angel panayang dalaw kay Miko

Kahit matagal nang patay ang namayapang nobyo ni Angel Locsin na si Miko Sotto, anak ni Ali Sotto sa ex-husband nitong si Maru Sotto, dumadalaw pa rin si Angel sa puntod ni Miko bagay na ikinatutuwa ni Ali Sotto.

Kung tutuusin, walang obligasyon si Angel kay Ali dahil matagal nang wala si Miko at matagal na ring nakapag-move on si Angel sa pagkawala ng namayapang nobyo. Pero nagbibigay galang pa rin si Angel sa ina ni Miko kahit hindi kailangan. Ganito kasi ang pagrespeto ni Angel kay Ali. Nandoon man ang panghihinayang sa maagang pagkawala ng anak, natutuwa at nagpapasalamat naman si Ali sa patuloy na pag-alaala ni Angel kay Miko.

Speaking of Angel, ngayong nagkabalikang muli sina Luis Manzano at Angel, hindi na hahayaang muli ng TV host-actor na muli silang magkahiwalay pa kaya malamang na sa altar na ito mapunta.

 

Anne nakasingit sa theme song ng Dyesebel

Si Yeng Constantino ang kumanta ng theme song ng bagong Dyesebel na pinagbibidahan ni Anne Curtis at may sarili ring version si Lea Salonga sa saliw ng Philharmonic Orchesta pero sa soundtrack album ay may isang song na si Anne mismo ang kumanta kaya tuwang-tuwa siya.

Speaking of Anne, ini-enjoy niya ang bawat moment sa taping  ng Dyesebel, her biggest teleserye ever. Bagay na bagay kay Anne ang kanyang role. Unlike in other Dyesebel versions, hindi na buhok o kabibe ang nakatakip sa dibdib ni Anne kundi isang special prosthe­tics na parang kaliskis na ka-terno ng kanyang kulay salmon (orange) na buntot-sirena.  Nakadikit ito sa dibdib ni Anne kaya safe siyang hindi masisilipan.

Show comments