Anne tiniis ang panginginig sa ginaw ng dagat

Gusto sana ni Anne Curtis na maging pink ang kulay ng buntot ng costume niya bilang Dyesebel. Pinagbigyan naman siya. Sa una ay ito ang kulay ng buntot ng pinaka-popular na sirena na ginagampanan niya sa bagong fantaserye ng ABS-CBN pero sa isang pakikipag-usap ng Dream­scape sa mga tagapagmana ni Mars Ravelo, ang sumulat at lumikha kay Dyesebel, napagkasunduan na huwag nang ibahin ang kulay nito at iba­lik na sa dating kulay na orange para mapangatawanan ang nakamihas­nan nang kulay ng sirena.

Naintindihan naman ni Anne ito pero kinailangan pa ring mag-reshoot dahil may mga eksena nang nakunan na pink ang buntot niya.

Dahil matagal na rin simula nung ma­kilala si Dye­sebel may mga pagba­ba­go na kinakailangang gawin ang Dream­scape para umayon sa makaba­gong panahon ang kuwento niya. Sa puntong ito ay wala namang pagtutol ang pamilya ni Mars Rave­lo, pero na-retain ang mga orihinal na character nina Fredo, Dyangga, Betty pero ang katauhan ni Liro na ginagampanan ni Sam Milby ay bagong karagdagan.

Pinangatawanan ni Anne ang pagganap ng Dyesebel. Kahit hirap ito dahil sa ngayon lang natuto ng fin swimming at ’yung pagiging graceful sa paglangoy, walang reklamong narinig sa kanya. Kahit na nanginginig ito sa ginaw dahil ang mga unang eksena na kinunan sa kanya ay natapat pa sa kasagsagan na may cold weather, ni kumurap kapag umaahon sa tubig ay walang nakita sa kanya. Sa halip ay ini-enjoy niya ang kanyang role at talagang panga­nga­tawanan na magiging pinakamagaling siyang Dye­sebel sa he­nerasyon niya.

Sa halip na mainsulto dahil bumagay sa role niya ang hindi kalakihan niyang boobs, kuntento siya dahil never natanggal sa pagkakaayos ang kanyang buhok na tumatakip ng boobs niya at maging ang mala-kabibe niyang bra na siyang naging pang-itaas niyang costume.

Anne has all the reasons to be grateful for being Dyesebel. Itinambak na yata ng network ang mga pinakamalalaki nilang arista para ma­ka­sama niya sa serye. Dala­wa ang leading men niya, sina Gerald An­derson at Sam nga, da­lawa rin ang direk­tor ng serye niya, sina Don Cuaresma at Francis Pasion. Hindi nag-iisa si Andi Ei­genmann na magiging kontrabida niya, kontra rin sa kanya ang magulang ni Fredo (Gerald) na sina Gabby Concepcion at Zsa Zsa Padilla sa lupa at si Bangs Garcia sa dagat. Pero makakakita siya ng kakampi sa katauhan nina Dawn Zulueta, ang nagsilang sa kanya, AiAi delas Alas na magiging ina-inahan niya. Bahagi rin ng napakalaking cast sina Albert Martinez, Eula Valdez, Ogie Diaz, Neil Coleta, David Chua, Young JV, Markki Stroem, Bodie Cruz, Nico Antonio, at Erin Ocampo.

Mapapanood ang Dyesebel simula ngayon Lu­nes sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

Lucy magpapakita ng skin sa babalikang dance show

Napaka-considerate naman ng TV5 para hindi na pahabain pa ang presscon ng kanilang pinaka­bagong palabas tuwing Sabado, ang Celebrity Dan­ce Battle, para lamang makadalo pa ang mga im­bitado nilang press sa kasabayan nilang presscon naman ng Dyesebel ng ABS-CBN. Hindi naman ito naging dahilan para hindi malamang lahat ang mga mahahalagang detalye ng pinakaaabangang palabas na isang dance contest na ang mga participant ay mga kilalang tao, not necessarily artista dahil pu­we­deng basketbolista, pulitiko, beauty queen, o kahit sino basta sikat at kilala.

Si Cong. Lucy Torres-Gomez ang host ng prog­rama na magsisimulang mapanood sa Sabado, March 22, 7:45 p.m. Makakasama niya ang mga sikat na baskebolista ng National Collegiate Athletic Association (NCAA), ang Semerad Twins na sina Anthony at David.

Sinabi ng napakagandang host na ang Celebrity Dance Battle na isang sagot sa matagal na niyang dasal na magkaro’n pang muli ng isa pang dance show na katulad ng nawala niyang programang Shall We Dance na napanood din ng mga limang taon sa TV5 din. Kahit isa na siyang iginagalang na mambabatas ngayon ay magagawa pa rin niyang magsuot ng mga damit na magpapakita ng konting skin, legs, and arms na bagay sa kanyang show.

“Hindi naman puwedeng office clothes ang isuot ko. Hindi bagay sa role ko bilang dance show host,” pagtatanggol niya.

Show comments