Best actor ni Vice sa PMPC binayaran - Sucaldito

Vice Ganda. File photo

MANILA, Philippines – Hindi naitago ng batikang showbiz columnist na si Jobert Sucaldito ang pagkadismaya sa naging resulta ng katatapos lamang na 30th Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC) kagabi sa Solaire Grand Ballroom sa Parañaque City.

Inilabas ni Jobert ang kanyang galit sa social networking site na Facebook kung saan sinabi niyang binayaran ang pagkapanalo ng komedyante si Vice Ganda na kinilalang Best Actor para sa pelikulang “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” na inilahok sa 2013 Metro Manila Film Festival.

Sinabi pa ng radio anchor na niloko siya ng pamunuan ng PMPC nang paniwalaing ang “anak-anakan” niyang si Laguna Governor ER Ejercito ang mananalong best actor kapalit ng “lobbying” o pagbabayad sa mga voting members.

Kaugnay na balita: 'On the Job' humakot ng awards sa PMPC

“Nakakaloka ang PMPC Star Awards for Movies na ginanap kagabi sa Solaire. Niloko ako ng ilang members ng PMPC - pinaniwala ako that they will vote for my baby Jeorge Estregan for Best Actor for his sterling performance sa pelikulang Boy Golden,” pahayag ni Jobert.

“Nakakaloka lang dahil papaano nangyaring natalo ako when many of them committed with me for Jeorge Estregan.”

Halos dalawang linggo bago ang awards night ay sinabi ni Jobert na may nag-alok sa kanyang miyembro ng PMPC na ilakad ang pagkapanalo ni ER dahil ang “deserving” na mananalong si Joel Torre (On The Job) ay hindi magtatagumpay “dahil hindi nila kayang magbayad sa voting members.”

Sinabi ni Jobert na kaaagad siyang nangutang ng pera upang ilakad si ER na manalo, ngunit aniya’y may umeksenang miyembro ng PMPC na si Francis Simeon na naglakad naman para kay Vice.

Dagdag ni Jobert na maaari niyang gawin ang panlalakad ng mananalo dahil normal ito para sa isang PR man na tulad niya kumpara kay Francis na miyembro mismo ng mga boboto.

“Si Francis Simeon lobbied for Vice Ganda pala for Best Actor.. Nagbayad siya ng pera sa mga kasamahan niya sa PMPC para manalo si Vice Ganda who is abroad,” nakasaad pa sa post ni Jobert.

“Nanalo si Vice Ganda dahil kontrolado nila (PMPC) ang results. I am an outsider of PMPC kaya i have all the right to lobby - since hindi naman pala mananalo ang righrful winner na si JOEL TORRE, might as well  fight for second best and that's Joerge Estregan dahil sila naman ang nagsabi. Pero ang nag-lobby kay Vice Ganda for Best Actor ay VOTING MEMBER ng PMPC na si FRANCIS SIMEON” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Jobert na handa siyang panindigan ang kanyang mga paratang sa PMPC.

“VICE GANDA's winning was PAID,” wika pa ni Jobert.

“I am willing to talk at any convenient time at paninindigan ko ito at any given time at your convenience. NGAYON, NASAAN NA ANG ANG TUNAY NA KREDIBILIDAD NG PMPC?”

 

Show comments