Teen star, 3 iba pa huling humihithit ng tsongki sa 7107
MANILA, Philippines – Huling-huli sa akto ang paghithit ng marijuana ng isang binatilyong aktor at tatlong kasamahan pa sa katatapos lamang na 7107 international music festival sa Clarkfield, Pampanga nitong weekend.
Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency director general Arturo Cacdac Jr. na lumabas sa teleseryeng “Galema†ng ABS-CBN at dating contestant ng sikat na reality TV show ang natimbog na 17-anyos na artista.
Nakilala ang iba pang suspek at kasamahan ng artista na sina Juan Paulo Serafica, 19; Geano Dionisio, 23, na kapwa taga- Quezon City; at isa pang 17-anyos.
Dagdag ni Cacdac na nadakip ng pinagsamang puwersa ng PDEA Regional Office 3, PDEA Special Enforcement Service, Public Safety Company, Angeles City police at 302nd Air Intelligence and Security Squadron at ng Philippine Air Force ang mga suspek sa akto habang tinitira ang illegal na droga.
Nakumpiska pa sa mga suspek ang isang stainless na kahon na may laman ng dahon ng marijuana, isang stick ng marijuana, isang asul na tabletang pinaghihinalaang valium, pipa, at upos ng marijuana.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 15 (Use of Dangerous Drugs), Article II, ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
Dadalhin ang dalawang menor-de-edad sa Department of Social Welfare and Development sa San Fernando, Pampanga.
- Latest