Ngayon ang 28th anniversary ng EDSA People Power Revolution pero parang hindi na interesado ang mga Pinoy na gunitain ang makasaysayan na pangyayari sa ating bansa noong February 25, 1986.
Marami ang dismayado dahil nawala na raw ang tunay na espiritu ng Edsa People Power Revolution at hindi nangyari ang mga pagbabago na inaasahan ng lahat.
Bahagi ng Edsa People Power Revolution ang showbiz. Maraming mga showbiz personality ang nakilahok noon sa rebolusyon, ang namayapang TV personality at Marian devotee na si June Keithley, Leah Navarro, Armida Siguion-Reyna, Gary Valenciano, ang APO Hiking Society at maging si Nora Aunor na kauna-unahang artista na nagpunta noon sa Camp Aguinaldo para magbigay ng suporta kay former Defense Minister Juan Ponce Enrile.
Napaka-festive ng atmosphere noon sa EDSA, kahit paikut-ikot sa kalawakan ang mga helicopter at papalapit ang mga tangke sa Camp Aguinaldo at Camp Crame.
Nagtipun-tipon sa harap ng dalawang kampo hanggang sa kanto ng Ortigas Avenue ang libu-libong tao. Wala pa noon ang mga naglalakihang mall sa EDSA, Bakanteng lote na may mga talahib ang lugar na kinatatayuan ngayon ng Robinson’s Galleria at ng simbahan ng Our Lady of Peace.
Hindi uso noon sa EDSA ang gutom at uhaw dahil bumabaha ang mga tubig at pagkain na donasyon. Ramdam na ramdam noon ng buong mundo ang pagkakaisa ng mga Pilipino.
Ibang-iba na ang EDSA noon sa EDSA ngayon. Sumikip at lumiit na ang Edsa dahil sa rami ng mga sasakyan, mga billboard at mga pasaway na walang pakundangan kung magkalat ng basura sa kalsada. Kung kailan dapat umuunlad ang ating bansa, saka nawawala ang disiplina ng ilang mga Pinoy na naghahanap ng pagbabago pero hindi marunong sumunod sa batas.
Mark suportado ni Jennylyn!
Nanghihinayang si Joey de Leon dahil hindi agad nakarating sa kanya ang balita na magsasalita sa Startalk si Mark Herras tungkol sa pagiging ama nito.
Kung nalaman agad ni Papa Joey ang exclusive interview ng Startalk kay Mark, nabanggit daw sana niya sa Eat Bulaga para mas marami ang nag-abang.
In fairness, nag-trending ang rebelasyon ni Mark sa Startalk noong Linggo. Marami ang humanga sa kanya dahil nagkaroon siya ng lakas ng loob na ipagtapat sa publiko na tatay na siya.
Nakatanggap ng suporta si Mark mula sa kanyang mga kapwa artista gaya nina Jennylyn Mercado at Kris Lawrence na parehong mga may anak sa pagkadalaga at pagkabinata. Walang reason para hindi suportahan o kondenahin si Mark dahil mas mahalaga na hindi niya tinalikuran ang kanyang mga responsibilidad kay Ada.
Third Eye inaasahan ni Mother Lily
Multo pala ang role ni Camille Prats sa Third Eye, ang pelikula ng Regal Entertainment Inc. na showing na bukas sa mga sinehan.
Nalaman ko ang role ni Camille sa Third Eye dahil sa trailer ng pelikula na paulit-ulit na ipinapakita sa timeslot ng Eat Bulaga.
Ang Third Eye ang unang horror movie sa 2014 ng Regal Entertainment Inc. Hoping si Mother Lily Monteverde na tulad ng Pagpag na isang horror movie din, susuportahan ng mga tao ang Third Eye.
Piers Morgan hindi napantayan si Larry King
Malungkot ang British TV host na si Piers Morgan dahil matsutsugi na ang show niya sa CNN.
Nag-decide ang CNN na tsugihin ang show ni Piers na Piers Morgan Live dahil sa mababang viewership. Hindi nagtagumpay si Piers na ma-duplicate ang success ng show ni Larry King. Hoping si Piers na mabibigyan siya ng CNN ng bagong programa.