Mark aaming may anak na?!

Matagal nang bulung-bulungan ang tsismis na certified father na si Mark Herras pero walang direktang kumpirmasyon mula sa kanya.

Para matapos na ang mga haka-haka at pananakot ng mga blackmailer, magsasalita na ang dancer-actor at sasabihin niya ang the truth and nothing but.

Abangan ninyo ngayong hapon sa Startalk ang mga sasabihin ni Mark sa isyu na kinasasangkutan niya at may catchline na “Konsensya, panindigan, pag-amin: Ang rebelasyon ni Mark Herras.”

May anak na ba siya o wala? Ipinangangako namin na mabibigyan ng Startalk ng kasagutan ang kontrobersiya na magpapatahimik sa isang nilalang na may malaking obligasyon kay Mark na dapat bayaran. Knows niya kung sino siya!

Bukod sa mga rebelasyon ni Mark, may follow up report ang Startalk tungkol sa mga reklamo ng panggagahasa laban kay Vhong Navarro at ang pagharap sa Department of Justice (DOJ) noong Biyernes nina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at ng ibang mga akusado sa pananakit sa TV host/comedian.

Hindi umapir si Vhong sa DOJ noong Biyernes dahil hindi pa siya ready na makaharap ang kanyang mga kalaban. Ang lawyer ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga ang nagsalita sa Startalk tungkol kay Ro­xanne Acosta Cabañero, ang babae na nag-claim na biktima rin siya ng pang-aabuso. Inamin ni Atty. Mallonga na magkakilala sina Vhong at Roxanne pero walang rape na nangyari. Panoorin ninyo ang Startalk para sa detalyadong pahayag ng abogado ni Vhong.

Jonalyn nabibilisan sa takbo ng panahon

Fearless ang pamagat ng concert ni Jonalyn Viray sa Music Museum sa Feb. 28.

Special guests ni Jonalyn sina Regine Velasquez at Kuh Ledesma. Very affordable ang P1,000 na ticket price ng Fearless. Muling ipapamalas ni Jonalyn ang husay niya sa pagkanta at siyempre hindi puwedeng mawala sa kanyang repertoire ang Help Me Get Over, ang sikat na kanta na ginamit na theme song sa My Husband’s Lover.

Nakakuwentuhan ko si Jonalyn noong Biyernes sa 17th floor ng GMA Network Center.

Sumusumpa si Jonalyn na loveless siya. Matagal na raw siyang walang karelasyon at history na ang love story nila ng kanyang boyfriend na commercial model.

Kinumpirma ni Jonalyn na buwag na ang La Diva, ang grupo nila nina Maricris Garcia at Aicelle Santos. Sa totoo lang, si Jonalyn ang ipinakilala sa tatlong miyembro ng La Diva dahil nalilito sila kina Maricris at Aicelle na magkahawig ang mga mukha.

Siyam na taon na si Jonalyn sa showbiz at tulad nating lahat, nabibilisan siya sa takbo ng panahon. Hindi siya makapaniwala na almost one decade na ang kanyang showbiz career mula nang sumali siya at nanalo sa isang singing contest ng GMA 7.

Marami na ang nangyari at literal na malayo na ang narating ni Jonalyn dahil nakapunta siya sa maraming bansa na pinapangarap lamang niya dati.

Show comments