PIK: Binigyan ng Viva Films ng isa pang pagkakataon na mabuhay ang career ng Pinoy Big Brother (PBB) Teen Edition winner na si James Reid.
Si James ang leading man sa youth-oriented film na gagawin nila, ang Diary ng Panget, na pagbibidahan din ng isang contract star nilang si Nadine Lustre.
Aminado naman si James na hindi pa talaga siya bihasa sa pagsasalita ng Tagalog kaya walang nagawa ang ABS-CBN sa kanyang career.
Malaki ang pag-asa niyang may magagawa ang Viva sa kanyang career.
PAK: Excited si AiAi delas Alas sa ka-date niya sa Linggo. Parang blind date na rin daw iyon dahil wala pa siyang ideya kung sino itong idi-date niya. Ipapakilala lang daw ito ng isa niyang kaibigan.
Sabi naman ng Box-Office Queen, handa naman daw siyang mag-entertain ng mga manliligaw at makipag-date dahil matagal na raw siyang nakapag-move on. Kung sakali raw ay gusto na niya ng tahimik na relasyon.
“Kung puwede lang hindi showbiz. Sana ibigay na siya sa akin ni Lord,†napapangiting pahayag ni AiAi.
BOOM: Natuloy na rin ang preliminary investigation ng mga kasong isinampa ni Vhong Navarro laban kina Deniece Cornejo, Cedric Lee, at ilan pang kasamahan.
Dumating sina Deniece at Cedric kasama rin sina Berniece Lee at ang isang kinasuhang si Zimmer Raz.
Mahigit isang oras ang imbestigasyon na nagkaroon ng mainit na balitaktakan ng kanilang mga legal counsel.
Nagpahayag ang investigating panel na submitted for resolution na raw ang rape case na isinampa ni Deniece laban kay Vhong. Kaya tinanggihan nila ang extension na hinihingi ng abogado ni Deniece.
Ayon kay Atty. Alma Mallonga na abogado ni Vhong, obviously gusto lang i-delay ang imbestigasyon dahil sa mga motion na isinusumite nila kaugnay sa kasong rape na isinampa ni Deniece.
Sabi naman ng abogado ni Deniece na si Atty. Howard Calleja, nakikita niyang may railroading itong imbestigasyon at ayaw nang tanggapin ang ilang motion na gusto nilang isumite.
Doon ay nanumpa ang mga witness na prinisinta ng panig ni Vhong.
Nanumpa na rin doon sina Deniece, Cedric, Berniece, at Zimmer.
Hinahanap din doon ang isa pang kakasuhan na si Fernando Guerrero pero hindi raw alam ni Atty. Calleja at ng ilang naakusahan kung paano ito ma-contact.
Hindi pa tiyak pero baka magkaroon pa raw ng isa pang imbestigasyon sa Feb. 28 para i-present ang iba pang mga witness.