MANILA, Philippines – Dinala na sa huling hantungan ang labi ng artista at aktibistang si Arvin “Tado†Jimenez ngayong Miyerkules sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.
Dinala ang bangkay ni Tado sa crematorium ng memorial park sa Barangka, Marikina bandang 8:30 ng umaga.
Hinatid si Tado mula Paket Memorial homes gamit ang pulang pickup truck ng Philippine Red Cross. Isang adopted member ng PRC ang komedyanteng artisa.
Sumama sa paghatid sa huling hantungan ni Tado ang mga kamag-anak, kaibigan, at ilang mga kasamahan na siklista.
Kaugnay na balita: 14 patay sa tumilapong bus sa Mt. Province
Isa si Tado sa 17 nasawi sa nahulog na Florida bus sa bangin sa Bontoc, Mountain Province nitong Linggo.
Lumabas sa imbestigasyon na may kapabayaan sa pamunuan ng naturang bus company at hindi rin ito rehistrado upang bumiyahe.
Sinabi ng kampo ni Tado na maghahain sila ng reklamo laban sa Florida Transit.
Kaugnay na balita: Biktima ng Florida bus walang matatanggap na insurance
Samantala, walang matatanggap na insurance ang mga kamag-anak ng mga biktima, ayon sa Philippine Accident Managers Inc.
Anila, dahil hindi nakarehistro ang pampasaherong bus na may pekeng plakang TXT-872 hindi nila sagutin ang mga biktima.
Kaugnay na balita: Pamilya ni 'Tado' kakasuhan ang Florida bus
Sinabi ni Philippine Accident Managers Inc. (PAMI) Chairman Ed Atayde na hindi nakarehistro ang pampasaherong bus na may pekeng plakang TXT-872.
"Hindi naman 'yun ang in-insure namin na bus e. So hindi babayaran ang insurance," pahayag ni PAMI Chairman Ed Atayde sa isang panayam sa radyo.