Vhong ang daming kinatatakutan

Vhong Navarro

MANILA, Philippines – Matapos ang insidenteng kinasangkutan ng TV host Vhong Navarro, maraming takot ang bumabalot sa pagkatao niya.

Isa sa mga kinakatakutan ni Vhong ang pagbalik sa noontime show “It’s Showtime” matapos ang umano’y tinamong pambubugbog mula sa grupo ng negosyanteng Cedric Lee at modelong Deniece Cornejo.

Aniya hindi niya kayang kontrolin ang opinyon ng publiko lalo na’t lumantad ang kanyang pambababae kay Deniece kahit may non-showbiz girlfriend siya.

Kaugnay na balita: Deniece Cornejo dehado sa ipinaglalaban

Samantala, ikinakatakot din ng artista na baka iwanan siya ng kanyang kasintahang si Tanya Winona Bautista sa kabila nang ginawang panloloko.

Aminado si Vhong sa mga nagawang pagkakamali at isa dito ang pakikipagtalik kay Deniece.

“Isa yun sa mga pinagdarasal ko, na sana sa lahat ng nangyayari ngayon sa akin, huwag akong iwan,” wika ni Vhong.

Pero pasalamat pa rin ang 37-anyos na dating miyembro ng isang dance group na hanggang ngayon ay nasa tabi pa rin niya ang kasintahan.

“Sabi ko nga, ito yung napaka-down ng buhay ko na pinagdaanan, pero until now andyan pa rin siya,” kuwento ni Vhong. “Talagang dapat siguro, hindi na maulit talaga at hinding-hindi na mauulit na may gawin pa akong ganun ulit. Kaya dapat maging faithful ako talaga.”

Sa kabila nang pinagdaanan ni Vhong ay sinabi niyang “mas lumalim” ang pagsasama nila ni Tanya.

“Naguguluhan pa siya. Pero right now, mas lalong lumalalim ang aming pagsasama at pagmamahalan,” banggit niya. “Mas maiisip niya na mahal pa rin niya ako kahit sa nagawa kong ito sa kanya.”

Show comments