Korina at Mariz parang nagkopyahan ng mga tanong kay Vhong

Parang nagkopyahan ng mga sagot sa test paper sina Korina Sanchez at Mariz Umali noong Huwebes.

Pagkatapos ng interbyu kay Vhong Navarro, umuwi na ako ng bahay kaya hindi ko na napuntahan ang presscon ng ABNKKBSNPLAko? ng Viva Films dahil parang nasaid ang energy ko kaya naabutan ko pa ang telecast ng 24 Oras at ng TV Patrol.

Una kong pinanood ang interbyu ni Mariz  kay Vhong sa 24 Oras bago ako lumipat sa TV Patrol.

Naloka ako dahil parehung-pareho ang mga tanong nina Mama Koring at Mariz kay Vhong as in parang replay ang pinanood ko.

Paano kaya nangyari ‘yon eh unang nag-interbyu si Mama Koring kay Vhong sa ibang kuwarto at nang matapos sila, saka pa lamang kinausap ni Mariz ang man of the hour?

Hindi naman lumabas ng kuwarto si Mariz para mag-eavesdrop dahil nakipagkuwentuhan lang siya sa amin habang hinihintay ang availability ni Vhong. Panay nga ang hingi ni Mariz ng dispensa dahil pinauna namin siya ni Papa Ricky Lo sa pag-interbyu kay Vhong.

May deadline kasi na hinahabol si Mariz na ang bango-bango kaya in love na in love sa kanya ang mister na si Raffy Tima. May budget sa pabango si Mariz kaya umalingasaw sa kuwarto ang kanyang amoy na nakakahalina.

Pumayag din ako na mauna na mag-interbyu si Mama Koring kahit early bird ako sa meeting place namin ni Vhong at ng kanyang manager na si Chito Roño.

Bumawi sa akin si Mama Koring dahil nang makaalis siya, lumapit sa akin ang isang staff member at binigyan ako ng chocolate na galing sa dyowa ni DILG Secretary Mar Roxas. Hindi na kami nagkausap ni Mama Koring kaya kung nagbabasa siya ngayon, a million thanks to you.

May-I-share ko ang chocolate na ibinigay ni Mama Koring sa mga pulis na nagbabantay kay Vhong.

Vhong hindi pa makakain ng maayos

Kasama ni Vhong ang kanyang girlfriend pero hindi ito nagpainterbyu. Tahimik na naghintay kay Vhong ang girlfriend niya.

Sa totoo lang, bumilib ako kay Vhong dahil nakakapagod ang sunud-sunod na interbyu sa kanya pero hindi siya nagreklamo.

Bale ba, gutom na gutom si Vhong nang manggaling mula sa Department of Justice. Hindi siya nakakain nang maayos nang dumating siya sa hotel dahil inuna niya na magpainterbyu sa mga nakaabang na reporter.

Puwedeng-puwedeng sabihin ni Vhong na pagod na siya at gusto nang magpahinga pero tinapos niya ang interbyu ng mga reporter ng ABS-CBN, TV5, at GMA 7.  Kung ako siguro ang nasa lugar ni Vhong, nag-beg off na ako dahil sa sobrang pagod at gutom.

Tweety bird ni Vhong hindi totoong pinaso – Chito Roño

Hands on si Chito sa pag-aasikaso kay Vhong. Talagang inaalam niya ang mga itatanong ng mga reporter sa kanyang alaga.

Nag-react nga si Chito sa tsismis na pinaso ng mga nambugbog kay Vhong ang tweety bird nito. Wala raw ganoon, ang sey ni Chito. Kinunan lamang daw ng video at picture ang tweety bird ni Vhong na nagiging big bird.

Siyempre, hindi ko na pinalampas ang tsansa na magpa-picture na kasama si Vhong, isang bagay na hindi ko nagawa nang dalawin ko siya noon sa ospital.  Black and blue pa rin ang paligid ng mata ni Vhong pero hindi na masyadong halata dahil sa eyeglasses na suot niya.

Show comments