Pag-aari raw ang title serye ni Bea hinahabol ng direktor

Na-disappoint daw ang direktor na si Romy V. Suzara dahil sa paggamit ng ABS-CBN ng titulong Sana Bukas Pa Ang Kahapon para sa bagong teleserye ni Bea Alonzo.

Ayon sa direktor ay siya ang lumikha ng titulo at ginawa rin niyang pelikula noon. “Sana na-research ‘yung title nito. Bakit sa dami ng titles na puwede nilang pagpilian, bakit ‘Sana Bukas Pa Ang Kahapon’? Napakahirap at that time na mag-isip kami ng isang title so ‘yun ang naisip ko. Sa katunayan nga ay nagpagawa pa ako ng kanta kay George Canseco, theme song ng ‘Sana Bukas Pa Ang Kahapon,” pahayag ni Direk Romy.

Hindi naman daw pera ang habol ng direktor kaya umalma siya sa nasabing isyu. “Sana naabisuhan man lang ako na ‘Direk sa iyo pala ito.’ ‘yun lang. Gusto kong malaman nila na kaya ako nagrereklamo ngayon kasi na-bypass ako. Kung hindi siguro nila ako papansinin baka magkaroon ng legal na kuwan pero nasa pag-uusap lahat ‘yan. Wala naman masama doon kung mag-uusap kami,” paliwanag ni Direk Romy.

“Hindi naman pera-pera ‘yan. Kamukha ‘yan nang kapag gumawa ka ng nobela ni Carlo Caparas, nakalagay ang pangalang ‘Carlo Caparas’. ‘Yun lang ang gusto ko, i-acknowledge lang nila na sa akin ang title,” giit pa niya.

Ayon naman sa pamunuan ng Kapamilya network ay hinango naman daw nila ang titulo sa kantang ‘Sana Bukas Pa Ang Kahapon’ at hindi sa pelikula ni Direk Romy. “Ang titulong ‘Sana Bukas Pa Ang Kahapon’ ay hango sa theme song na may parehong pamagat. Ang kanta ay pag-aari ng BAMI na nasa ilalim na rin ng Star Records na kabilang sa Kapamilya network. Titulo at kanta lamang ang may pagkakatulad pero hindi ang kuwento,” statement mula sa ABS-CBN.

Jericho, may kakaibang plano for Valentine’s Day

Masayang-masaya raw si Jericho Rosales dahil sa magandang feedback na kanyang natatanggap tungkol sa bago niyang teleserye na The Legal Wife. Kasama ng aktor sa nasabing soap ope­ra sina Angel Locsin, JC De Vera, at Maja Salvador. “Again after one year sa Primetime Bida kami so happy na happy kami ngayon because we have a good project. People love it and have been waiting for it, sinusuportahan nila so I’m happy,” bungad ni Jericho.

“Kung iba-base do’n sa mga tweets at reaksyon ng mga tao, I think we have a good show, people love it and continued to support it. So salamat po sa lahat ng mga sumusuporta sa The Legal Wife,” dagdag ng aktor.

Samantala, nakatakdang pakasalan ng aktor ang kasintahang si Kim Jones sa Mayo sa Boracay pero mayroon daw espesyal na plano si Jericho para sa dalaga sa darating na Valentine’s Day. “I’m still planning with the help of some friends na mahilig sa tsokolate. I’m still planning,” pagtatapat ni Jericho.

Reports from JAMES C. CANTOS

 

Show comments