Deniece Cornejo kay Vhong: Magpakalalaki ka

MANILA, Philippines - Hinimok ni Deniece cornejo si Vhong Navarro na akuin na ang ginawa niya umanong krimen noong gabi ng Enero 22 sa kanyang inuupahang condo unit sa Forbeswood Heights building sa BGC, Taguig City.

“Kuya Vhong, hindi ito pelikula. Totoong buhay ito. Oo komedyante ka, pero lahat ng saya merong dark side. May kalungkutan din na kailangan mong harapin,” ani Cornejo sa panayam sa "Startalk" ng GMA-7 nitong Linggo.

Nagsampa na ng kasyong rape si Cornejo laban kay Navarro sa piskalya sa Taguig City noong nakalipas na linggo.

Ang pagsasampa ng reklamo ay ginawa ng babaeng modelo ilang araw pagkatapos magsampa ng maraming kasong kriminal si Navarro sa kanya at sa grupo ng negosyanteng si Cedric Lee.

Kabilang sa mga kasong isinampa ng TV host laban sa grupo nina Cornejo ay physical injuries at serious illegal detention. Inakusahan din ni Navarro ng pangingikil sina Cornejo.

Sinabi pa ni Cornejo sa naturang talk show na handa siyang tulungan si Navarro bilang sukli sa gagawin na pag-amin ng TV host.

“Kung ang iniisip mo career mo, trabaho mo, tutulungan kita. Sa pangalawang pagkakataon, susuklian ko ng kabutihan,” ani Cornejo. “Kung meron man ditong binaboy, hindi ikaw, kundi ako ang binaboy mo.”

Samantala, ipinagtanggol din ni Cornejo si Lee at ang mga katropa nitong mga lalaki na umano'y nagtulung-tulong na bugbugin si Navarro sa loob ng condo unit ni Cornejo.

“Magpakalalaki ka dahil itong mga lalaking ito na parang mga kapatid ko,” she said of Lee and his friends. “Pag ang kapatid ko mali, mali. Hindi ko sila kakampihan.”

Show comments