Wala na nga si Vhong Anne mawawala na rin sa Showtime?!

Marami ang malulungkot kapag nagkatotoo ang balitang baka mawala, hindi lamang pansamantala, kundi forever and ever na, si Anne Curtis sa programang It’s Showtime dahil lubhang napakarami ng mga proyekto na nakalinya at kinakailangan niyang harapin. Si Vhong Navarro naman ay nagpapagaling pang kasalukuyan at may kinakaharap na kaso kaugnay ng pagkakabugbog sa kanya. Nariyan man sina Vice Ganda, Kuya Kim Atienza, Billy Crawford, Jhong Hilario, at iba pa, ay iba kapag dalawa sa nakasanayan ng kasama nila sa show ang mawawala. Talagang mapipilay sila.

Pero kung ang pagbabasehan naman ay ang balitang ang makakapalit ni Anne sa It’s Showtime ay si Iza Calzado ay baka nga tsismis lang ito. Pagpapasensiyahan ako ni Iza pero wala akong masamang ibig ipakahulugan sa sinabi ko maliban sa pangyayaring hindi siya puwedeng lumabas ng dalawang daily shows, isang live (It’s Showtime) at isa pa ring daily reality show, kahit pa ito ay taped (The Biggest Loser Pinoy Edition Doubles), hindi niya kakayanin. Hindi nga ba tinanggal na siya sa isa sanang serye na magtatampok kay Bea Alonzo dahil magsisimula na ang Biggest Loser?

Gaganap lang bilang hurado si Iza sa It’s Showtime, sa pakontes na It’s My Tomboy. Dito, pupuwede siya pero malamang magmadali rin siya dahil sa nabanggit na mga commitment niya.

Mr. and Ms. Sogo Hotel marunong ng CSR

Natapos na rin ang ginawang search ng Hotel Sogo para sa isang smart and dynamic couple na may mga adbokasiya na kapareho ng sa chain of hotels. Napili bilang 2014 Mr. and Ms. Hotel Sogo Ambassadors sina Vince Vargas at Glaiza Sarmiento. Tatlo ang naging runners-up nila, sina Paul Andrew Belmonte at Zandra Ramos, first runners-up; Rendon Eligino Labador at Avi Karlyn Pacual, second runners-up; at Reamark Reduccion at Bernadette Melissa Paez, third runners-up. Tutulong ang mga kabataang ito sa promosyon ng Corporate Social Responsibility projects ng Hotel Sogo na Sogo Cares. They will also aim to develop the genuine concerns among Hotel Sogo employees and fellow Filipino.

Isang marangal na finals night ang ipinagkaloob ng Hotel Sogo sa 14 na finalists na nagpamalas ng kanilang husay sa pagsagot sa Q&A portion, pagsusuot ng casual at formal wears at pagsasabi ng kanilang adbokasiya na makatutulong sa kanilang pinapalaganap na home away from home at sa mother earth o kalikasan.

Nag-provide ng entertainment sina Gian Magdangal at Frencheska Farr at nagsilbing hosts sina Victor Basa at Divine Lee.  

Ang ilan sa mga tumanggap ng special awards ay sina Avi Karlyn Pascual, Gandang Ricky Reyes; Paul Andrew, Guwapong Ricky Reyes at Mr. Congeniality; Bernadette Paez, Miss Photogenic.

Jennylyn nagpakitang-gilas agad

Maganda ang feedback sa Rhodora X ni Jennylyn Mercado. Agad itong nag-trending sa unang araw ng pagpapalabas nito.

Marami tuloy ang naging interesado na mapanood ito at para mapagbigyan sila at maging ang mga tagasubaybay na rin ng bagong serye ng GMA, ire-replay ang pilot week nito bukas, Linggo, bago ang Sunday All Stars.

Show comments