Hindi lang sumasayaw ang mga nasa kulungan natin, nagboboksing na rin sila at tumutugtog ng musical instruments. Maganda ’yung naisip ni congressman at Pambansang Kamao Manny Pacquiao na kumbinsihin ang mga preso sa Cebu penitentiary na bukod sa pagsasayaw ay ibaling ang atensiyon nila sa boksing.
Sa ganito nga namang paraan ay nadadagdagan ang mapagkakalibangan nila sa mga oras na libre sila at baka nga naman makakita pa tayo ng mga potensiyal na boxing champions sa kanilang hanay. Magiging malusog din sila. Kilala na ang Cebu Dancing Inmates sa larangan ng pagsasayaw.
At dito naman sa Maynila ay nakikilala na rin ang mga nasa loob naman ng national penitentiary sa kanilang pagiging mahusay sa pagtugtog ng musical instruments at miyembro na sila ng isang orchestra na nagbibigay ng magagandang musika kapag may mahalagang pagtitipon at pagdiriwang sa loob ng Muntinlupa.
Pambubugbog kailangang malinawan
Eh napakaganda naman pala ng babaeng sinasabing nag-imbita kay Vhong Navarro sa kanyang condo unit na nagresulta sa pagkakabugbog nito. Hindi kataka-katakang mahalina sa kanya ang aktor.
Pero sana mabigyan na ng kalinawan ang kasong ito para naman mapanatag na ang mga taong natatakot sa maaaring kahinatnan nito. Hindi nga naman komportable na magtago ng mga batang baka mapagbalingan ng galit ng mga taong sangkot sa kaso.
At ’yun ang nararanasan ngayon ng ex-wife ng aktor na nangangamba sa kanilang katayuan na diumano’y pinagbantaan ng mga taong nanakit kay Vhong.
Sa mga kaganapan ngayon mukha namang lumilinaw ang kaso. Dahilan na lamang ang kailangang i-establish para magtuluy-tuloy na ang kaso.