MANILA, Philippines – Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng negosyanteng si Cedric Lee, modelong si Deniece Cornejo at iba pa kaugnay sa pambubugbog sa TV host at artistang Vhong Navarro.
Inihain ng National Bureau of Investigation ngayong Martes ng hapon ang kaso sa Prosecutor General's office bilang resulta sa imbestigasyong isinagawa sa insidenteng naganap noong Enero 22 sa condominium unit ni Cornejo sa Bonifacio Global City Taguig.
Kaugnay na balita: 2nd ultimatum sa sekyu at condo admin sa kaso ni Vhong
Kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention sina Lee, Cornejo, Bernice Lee, Ferdinand Guerrero, Zimmer Rance at tatlo pa na nakilala lamang sa pangalang "Mike," "John Doe" at "Peter Doe."
Nahaharap din ang pito sa kasong serious physical injuries, grave threats, grave coercion, unlawful arrest, threatening to prevent publication in exchange for compensation.
Kaugnay na balita: Rape at hindi attempted rape ikakaso ng kampo ni Cornejo kay Vhong
Iginiit ni VHong na na-set up siya nang bisitahin sa condominium unit si Cornejo.
Sinabi naman ni Lee na inabutan nilang minomolestiya at pinipilit makipagtalik ni Navarro si Cornejo.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Lee na maghahain sila ng kasong panggagahasa at libel kay Navaro.