PIK: Si Regine Velasquez ang napili ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) Company at Smart na kumanta ng awiting Believing in Me na tribute ng Gabay Guro Foundation para sa ating mga titser.
Personal na pinakiusapan ng chairman ng Gabay Guro na si Chaye Cabal-Revilla ang Asia’s Songbird para kumanta ng naturang awitin na nilikha ng mag-asawang Raul at Cacai Mitra.
Ibinigay ng mag-asawang Raul at Cacai, pati na rin si Regine, ang serbisyo na walang bayad bilang alay na rin nila sa ating mga guro.
PAK: Parang ayaw naming maniwala sa kuwento sa amin ng isang kaibigan kung paano raw tinitipid nitong magandang TV host ang kanyang mga tauhan.
Ang masakit pa, tinitipid niya sa pagkain ang driver at ang personal assistant na lagi naman niyang kasama at nagbabantay sa pagpupuyat sa taping.
Hindi raw niya kasi pinapakain ang staff niya kundi binibigyan lang niya ng food allowance.
Ang ikinaloka namin, ang personal assistant niya o alalay ay P250 lang pala ang food allowance sa loob ng isang linggo.
Ang driver naman daw niya ay P300 ang weekly food allowance.
Paano ba naman nila pagkakasyahin ’yun sa loob ng isang linggo?
Kaya ang ibang staff na nakakita sa mga tauhan niya ay pinapakain na lang nila nang palihim.
Pero kapag mawala lang sa paningin ni magandang female TV host ang mga tauhan niya, nagagalit na ito. Kaya hirap din sila makatakas para kumain sandali sa pantry.
Palibhasa, hindi naman kasi purong Pinoy itong si female TV host kaya iba ang ugali.
BOOM: Totoo kayang isang magaling at kilalang aktres ang makakasama ni Dingdong Dantes sa susunod niyang drama series?
Dating Kapamilya itong si magaling at kilalang aktres at ang latest ay tuloy na tuloy na raw ang paglipat sa Kapuso Network.
Hintayin na lang natin ang kanilang announcement.