Film Academy of the Philippines pipigilang kumaltas pa ng pondo ang MMFF at MMDA

Ang director-general Film Academy of the Philippines (FAP) na si Leo Martinez ay nag-file ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa Metro Manila Film Festival (MMFF) Executive Committee at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamumuno ni Chairman Francis Tolentino upang protektahan ang interes ng kinikilalang beneficiaries ng amusement tax na tinatanggap ng huli taun-taon.

Ito ay nag-ugat sa isang Commission on Audit (COA) Special Audit report on the Metro Manila Film Festival funds for the calendar years 2002 hanggang 2008. Ang report na ito ay may lagda ni COA Director Leonor Boado at may petsang Oct. 30, 2009 at ito ay isinumite sa opisina ni Sen. Jinggoy Estrada noong Dec. 2, 2009 na binanggit ang mga illegal na pagpapalabas ng pondo sa mga taong na-audit.

Ang isang finding ng COA roon ay ang pag-remit ng halagang mahigit P130M lamang noong 2002-2008 na 59.93 porsiyento lamang ng total na pondong dapat i-remit para sa mga legal na be­neficiary, ayon sa Metro Manila Commission (MMC) Executive Order 86-09 na kinabibilangan ng MO­WELFUND, FAP, Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Optical Media Board, at Film Development Council of the Philippines. Sa bisa ng naturang MMC Executive Order ay ginawang Trustee ang MMFF Executive Committee ng nasabing pondong nagmumula sa amusement tax sa 17 munisipalidad at lungsod sa Metro Manila.

Ang isa pang violation na pinuna ng COA ay ang late na pagbabayad ng MMFF Executive Committee at MMDA ng nasabing pondo na dapat ay ma-remit sa loob lamang ng 20 araw matapos ang Metro Manila Film Festival taun-taon, ayon na rin sa nasa­bing Executive Order.

Ayon sa COA, mayroon ding ilegal na pag-disburse ng P22.64 M mula 2003 hanggang 2006 para sa diumano’y cultural projects at incentives kung saan ang nasabing disbursements ay walang kaukulang supporting documents at kopya ng mga tsekeng nabayaran na.

May isa ring finding na nagsasaad na may cash advances sa halagang P15.9 M na unliquidated pa o hindi pa nababayaran.

Dahil sa mga nasabing mga paglabag sa batas, nagdesisyon ang Film Aca­demy of the Philippines na isa sa mga benepisyo ng pondo sa pamamagitan ni Director-General Martinez na mag-file ng isang Petition for Mandamus with Prayer for the Issuance of a Temporary Restraining Order and/or a Writ of Preliminary Injunction sa Regional Trial Court sa Quezon City. Isa ring malaking tulong sa pagsasampa ng kaso ni Atty. Ariel Inton, Jr. na naging bahagi rin sa movie industry dahil nagprodyus ito ng dalawang pelikula gaya ng Deadline at Ang Babae sa Sementeryo.

Naglalayon ang TRO na pigilan ang National Cinema Association of the Philippines (NCAP) sa pagbibigay ng amusement tax na nakolekta sa Metro Manila Film Festival Executive Committee upang mahinto na ang patuloy na pagka-ubos ng pondo, na ibinigay na ng MMFF Executive Committee/MMDA ang halagang P82.7 M na kulang sa mga beneficiary na nabanggit sa nasabing report, paggawa ng isang full accounting ng mga pondo sa mga taong hindi na-cover ng COA Special Audit Report at pagbabalik ng pamamahala ng taun-taong Metro Manila Film Festival sa mga taga-industriya ng pelikula at pagbawi nito mula sa MMDA.

 

Show comments