MANILA, Philippines - Mula umaga hanggang gabi, ABS-CBN ang pinakatinututukan at numero unong TV network sa bansa noong 2013 matapos itong magtamo ng average national audience share na 42%, o mas mataas ng siyam na puntos sa GMA na may 33%, base sa datos ng Kantar Media.
Mula Enero hanggang Disyembre, namayagpag ang ABS-CBN sa lahat ng timeblocks at hinakot rin nito ang lahat ng puwesto sa listahan ng top 15 pinakapinanood na programa sa bansa sa nagdaang taon.
Hindi natinag ang Primetime Bida (6PM-12MN) ng Kapamilya network na may average audience share na 47%. Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock dahil sa mga oras na ito may pinakamaraming nanonood kung kaya’t importante ito sa advertisers na naglalagay ng patalastas para maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa.
Wagi rin ang ABS-CBN sa morning block (6AM-12NN) sa average audience share na 37%, pati na sa early afternoon block (3PM-6PM) na may 40% . Hindi rin nagpahuli ang late afternoon block (3PM-6PM) ng Kapamilya network na pumalo sa 38%.
Patuloy pang pinatunayan ng ABS-CBN ang pagiging numero uno sa taong 2013 matapos nitong masungkit ang lahat ng pwesto sa listahan ng top 15 most-watched programs sa buong bansa kung saan nanguna ang Juan dela Cruz sa average national TV rating na 34.7%. Sinundan ito ng Ina Kapatid Anak (33.4%), Princess and I (31.1%), Maalaala Mo Kaya (30.7%), Wansapanataym (29.7%), at Honesto (28.3%).
Ang TV Patrol pa rin ang pinakapinagkatiwalaan pagdating sa balita sa average national TV rating nito na 27.7%, o sampung puntos ang lamang sa 24 Oras (17.1%) ng GMA.
Kasama rin sa listahan ang Got To Believe (27.6%), Aryana (26.6%), Muling Buksan Ang Puso (26.1%), Huwag Ka Lang Mawawala (25.9%), Pilipinas Got Talent (25.4%), Bet On Your Baby (25.3%), The Voice of the Philippines (25.1%), at Be Careful With My Heart (22.9%).
Maging sa pagtatapos ng 2013 ay hindi man lang nagawang ungusan ng ibang network ang ABS-CBN. Panalo pa rin ito sa ratings sa buwan ng Disyembre na nagtala ng average national audience share na 43%, mas mataas ng 10 puntos sa 33% ng GMA.