Rocco at Katrina maiipit sa kahirapan

MANILA, Philippines - Isa lang ang gusto ni Marlon de Leon: Ang maging mabuting asawa, mabuting ama. Pero hindi ito ang kapalarang nakalaan para sa kanya.

Nang ikasal siya kay Jocelyn, ipinangako ni Marlon na gagawin niya ang lahat ng makakaya para maibigay ang lahat ng gugustuhin ng asawa’t magiging anak. Pero nang hindi niya maibigay ang kanyang pangako, nagsimula nang gumawa ng sariling diskarte si Jocelyn. Nagawa nitong kumabit sa ibang lalaki, nakuha nitong pumasok sa negosyo ng illegal na droga.

Hindi ito ang buhay na gusto ni Marlon para sa kan­yang pamilya. Kaya imbis na hayaan ang asawa niya na lumubog sa maduming mundo ng mga bisyo, siya ang nagpahigop dito. Siya ang naging magnanakaw. Siya ang naging masamang tao. Siya ang nagpakulong.

Sa kanyang paglaya, inasam ni Marlon na mababago pa niya ang kaparalan ng kanyang pamilya. Pero sa mga buwan na wala siya ay lalo palang nalugmok ang kanyang asawa sa mundong pilit na niyang nilalayuan.

Ngunit paano nga ba niya iiwan ang mahigpit na kapit ng buhay na walang sabit… buhay na walang hirap at puro pasarap?

Itinatampok sina Rocco Nacino at Katrina Halili, sa ilalim ng direksiyon ni Maryo J. delos Reyes, sa pananaliksik ni Jonathan Cruz, at sa panulat ni Senedy Que, handog ng Magpakailanman ang kuwento ni Marlon de Leon, isang mapagmahal na tatay, sa Ama, Ina, Anak.

Huwag palagpasin ang Magpakailanman ngayong Sabado ng gabi pagkatapos ng Vampire ang Daddy Ko sa GMA 7.

 

 

 

Show comments