Maraming sinehan tinanggal na ang MMFF entries, Hollywood movies na lahat ang palabas

Hindi na showing sa ibang mga sinehan ang mga pelikula ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2013 at ayon ito sa isang moviegoer na sinubukan na panoorin ang Pagpag: Siyam na Buhay sa Robinsons Magnolia Cinema noong Miyerkules.

Nasayang ang pagpunta ng source ko sa sinehan dahil hindi na showing dito ang Pinoy movies. Puro Hollywood movies na raw ang palabas sa mga sinehan ng Robinsons Magnolia sa New Manila, Quezon City.

Hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga gusto na manood ng Pagpag dahil showing ito sa mga mall na maraming sinehan. Hindi naman na-pull out ang MMFF 2013 movies na blockbuster tulad ng My Little Bossings, Pagpag, Girl, Boy, Bakla, Tomboy, at 10,000 Hours.

Malditong anak ng prominent personality nangangarap maging pulitiko

Nangangarap na maging pulitiko ang anak ng isang prominent personality. Malabo na matupad ang dream ng bagets kapag hindi niya binago ang kanyang ugali.

Ang mga tauhan ng ina ng bagets ang saksi sa mga kamaldituhan niya. May mga tauhan ang ina ng bagets na nag-resign dahil hindi matagalan ang kanyang ugali.

Minsan ko nang na-meet sa isang showbiz function ang bagets na very pleasant ang personality pero may itinatago pala na masamang ugali.

Isko Moreno sinuway ng mga deboto, 40-footer container vans tinanggal

Mismong si Manila City Vice Mayor Isko Moreno ang humikayat sa mga deboto ng Black Nazarene na idaan kahapon sa Jones Bridge sa Maynila ang prusisyon at hindi sa MacArthur Bridge dahil delikado ito.

Minasama ng ibang mga deboto ang concern na ipinakita ni Papa Isko. Pinairal ng mga tao ang pagi­ging pasaway dahil pinilit nila na alisin ang 40-footer container vans na iniharang sa MacArthur Bridge para hindi ito madaanan.

Nakapanggigigil na panoorin ang video habang itinutulak ng mga pasaway ang mga container van. Ipinakita nila ang kawalan ng disiplina. Paano kung nadaganan ng container vans ang mga tao na kasama sa prusisyon? Paano kung bumagsak ang MacArthur Bridge?

’Yan ang problema sa ibang mga Pilipino. Hindi marunong makinig sa mga babala at pakiusap. Hindi na nila iginalang si Papa Isko. Kapag may nangyari naman na aksidente, nakanganga lang sila at naghahanap ng mga masisisi.

Hindi nagkulang sa babala ang mga kinauukulan na hindi puwedeng daanan ng libu-libong tao ang MacArthur Bridge dahil baka bumigay ito. Kahit ang Black Nazarene, hindi matutuwa sa katigasan ng ulo na ipinamalas kahapon ng mga deboto Niya.

Nag-iwan ng mga kalat at basura sa Quirino Grandstand ang mga deboto ng Black Nazarene. Ang sabi ng isang eyewitness, nagkalat sa Quirino Grandstand ang mga tsinelas, plastic cups at kung anik-anik dahil sa mga tao na hindi marunong magtapon ng kalat sa mga basurahan.

Ang Quirino Grandstand ang starting point ng prusisyon. Sangkatutak na basura ang naiwan sa Quirino Grandstand na naging mapanghi rin ang amoy dahil umapaw sa ihi ang portalets.

Mabuti na lang, maagap ang mga empleyado ng Metropolitan Manila Deve­lopment Authority (MMDA) at ang mga bumbero sa paglilinis. Binombahan agad ng mga bumbero ng tubig ang lahat ng sulok na may hindi kanais-nais na amoy.

Ang hindi pagtatapon ng mga kalat sa mga basurahan ang isang pagpapatunay ng kawalan ng disiplina ng mga kababayan natin na nangunguna sa paghahanap ng pagbabago at pag-unlad ng kanilang kabuhayan. Paano sila uunlad kung pinaiiral nila ang kabalahuraan?

Show comments