Lovi at Derek bubuhayin ang pelikula nina Snooky at Albert

Habang wala pang next TV soap sa GMA 7, gagawa muna ng pelikula sa Regal Entertainment si Lovi Poe. Ang sabi, ang remake ng 1982 Regal movie na Where Love Has Gone ang kanyang gagawin katambal si Derek Ramsay.

Hindi raw exclusive ang kontrata ni Derek sa Viva Films, kaya puwede itong tumanggap ng ibang movie offers sa ibang movie company. Iibahin ang title ng movie at baka gawing Tagalog.

Iba ito sa Viva Films movie na When the Love is Gone na Tagalog naman ang original title at ginawang English.

Ang dinig namin, si Mac Alejandre ang napipisil na magdirek ng remake ng Where Love Has Gone na originally directed by Joey Gosiengfiao at bida sina Snooky Serna at Albert Martinez. Malaki ang cast ng original movie, may Amalia Fuestez, Eddie Rodriguez, at Charito Solis pang kasama, hintayin natin kung sino ang mapipili ni Mother Lily na gumanap sa kanilang role sa original movie.

Naalala namin ang sinabi ni Rocco Nacino na hindi pa sila nakakagawa ng pelikula ni Lovi, bakit hindi siya isama sa cast ng Where Love Has Gone at siguradong matutuwa ang fans nila ni Lovi!  

Ryzza Mae tinanghal na best Pinoy Celeb

Katatanggap lang ni Ryzza Mae Dizon ng Best Child Performer Award sa katatapos at controversial na Metro Manila Film Festival o MMFF dahil sa mahusay niyang pagganap sa My Little Bossings, heto at may award na naman si Aleng Maliit.

Siya ang tinanghal na Best Pinoy Celebrity of the Year sa 2nd Rappler Social Media Awards ng Rappler. Netizens ang pumipili ng winners, kaya makikita ang po­pularidad ni Ryzza Mae sa subscribers ng social media.

Kabilang pa sa awards na natanggap ni Ryzza ay ang Child Star of the Year (2013) ng Yahoo! OMG Awards at  Breakthrough Talk Show Host sa FAPSA o Federation of Associations of Private Schools and Administrators.

Inaabangan na pala ang next movie ni Ryzza. Saan kaya siya gagawa ng sunod na pelikula at sino ang mga makakasama?

Sarah big winner sa mga taga-social media

Big winner si Sarah Geronimo sa 2nd  Rappler Social Media Awards with three awards to her name. Ikatutuwa ito ng kanyang fans at mga nagmamahal sa kanya at hindi magugustuhan ng kanyang haters at bashers.

Si Sarah ang Best Pinoy Musician of the Year, ang kanta niyang Ikot-Ikot ang LSS (Last Song Syndrome) of the Year. Ang movie naman nila ni John Lloyd Cruz ang Best Pinoy Movie of the Year.

Isa pa itong si Sarah, inaabangan din kung kailan uli siya gagawa ng pelikula at kung sino ang ma­ka­kapareha. Marami ang matutuwa kung pagtambalin uli sila ni  John Lloyd at tila malabo na silang magtambal uli ni Gerald Anderson.

 May mga request na sila naman ni Matteo Gui­dicelli ang pagtambalin at mas maganda kung bi­big­yan daw ng ibang love team ang Pop Princess.

Winwyn nag-I-enjoy na kontrabida

Kasama sa cast ng Kambal Sirena ng GMA 7 si Winwyn Marquez at kontrabida uli ang papel niya, isa raw siya sa mang-aapi sa bidang si Louise delos Reyes. Nag-i-enjoy sa bad girl roles si Winwyn dahil napaglalaruan niya ang ibinibigay na role, pero umaasa rin siyang mabibigyan ng chance na magbida.

Wish din ni Winwyn ngayong 2014 na makagawa pa siya ng maraming pelikula na magiging markado ang role gaya ng role niya sa 10,000 Hours na pati sina Michael de Mesa at Robin Padilla ay pinuri siya.

Pumirma ng exclusive contract sa GMA Network si Winwyn, masaya itong maging official na Kapuso ta­lent at nangakong pagbubutihan ang trabaho para hindi magsisi ang network sa pagkontrata sa kanya. Para rin bigyan siya ng tuluy-tuloy na project para matupad ang pangarap niyang makabili ng lote.

Siyanga pala, balik-Ch. 7 ang ama ni Wynwin na si Joey Marquez, maganda siguro kung after their respective soaps, pagsamahin ang mag-ama sa isang show.

Show comments