Erap nakapuntos sa pagdalaw kay GMA

 

Hindi na pala nakara­ting si Manila City Mayor Joseph Estrada sa Christmas dinner para sa entertainment press noong Linggo.

Hindi naman nagtampo kay Papa Erap ang showbiz press dahil alam nila na dumalaw ang dating pangulo kay ex-President Gloria Macapagal-Arroyo na matagal nang naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center.

Muling napatunayan na hindi nagtatanim ng galit si Papa Erap. Si Mama Glo ang nagbigay kay Papa Erap ng executive clemency  kaya nakalaya siya mula sa pagkakakulong dahil sa plunder case.

I’m sure, marami ang nagbalik sa alaala ni Papa Erap nang umapir siya sa VMMC dahil dito rin siya nakulong noong 2001.

Nagpasya si Papa Erap na bisitahin ang kanyang successor dahil naaawa siya kay Mama Glo. Ikinuwento ni Papa Erap na malaki ang ipinanga­yayat ni Mama Glo na matagal nang iniinda ang karamdaman.

Nag-circulate ang mga litrato nina Papa Erap at Mama Glo na kuha sa loob ng kuwarto nito sa VMMC. Ang picture ang malinaw na ebidensiya na totoo ang kuwento ni Papa Erap na payat na payat si Mama Glo.

Tuwang-tuwa si Mama Glo at ang buong Arroyo-Macapagal family sa pagbisita ni Papa Erap. Nadagdagan ang pogi points ni Papa Erap dahil sa kabutihan na ipinakita niya.

LT mas piniling magpaka-simple sa birthday

Kahapon ang actual birthday ni Lorna Tolentino at hindi siya nagkaroon ng bonggang birthday party.

Mas pinili ni LT ang simple celebration pero nagdaos siya ng Christmas party noong Linggo para  sa kanyang mga kasambahay.

Maluwag na ang schedule ni LT dahil natapos na ang Genesis taping, ang primetime show nila ni Dingdong Dantes na malapit na rin ang ending.

JM sa rehab magpa-pasko

Iba’t iba ang version tungkol sa nalalapit na paglabas ni JM De Guzman mula sa rehabilitation center.

May mga nagsasabi na ngayon ang paglaya ni JM para makapiling niya sa Pasko ang kanyang pamilya pero may mga nag-deny dahil hindi pa raw siya makalalabas.

Parehong totoo ang balita. Naka-schedule si JM na lumabas ngayon pero diumano, nagbago ng desisyon ang kanyang pamilya na pinili na tapusin ng batang aktor ang program nito sa isang rehabilitation center sa Tagaytay City.

Kung hindi sana ‘nagbakasyon’ sa rehab si JM, siya sana ang bida sa isang religious film na official entry sa 2013 Metro Manila Film Festival.

Benjie sinundan ang anak sa Amerika

Magdiriwang ng Pasko sa Amerika si Benjie Paras. Kasama niya sa US trip ang kanyang misis at dalawang anak. Susundan nila sa US ang anak na si Kobe na mag-aaral doon bilang basketball scholar.

Hindi kasama sa US trip ni Benjie ang panganay na anak na si Andre. Lumipad si Andre sa Australia dahil dito siya magpa-Pasko, sa piling ng nanay ng kanyang ama. Australian citizen na ang madir ni Benjie na naloloka  dahil habang ginaw na ginaw  sa US si Kobe, swimming nang swimming sa Australia si Andre. Mainit na mainit ang panahon ngayon sa Australia dahil summer season.

 

Show comments