MANILA, Philippines - Higit sa mga magagandang Christmas lights, Christmas tree, mga parol, at higit pa sa mga regalo, iisa lang ang talagang nakapagpapasaya sa mga Pilipino tuwing panahon ng kapaskuhan—ang salubungin ito kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay... ang kanilang pamilya. At ito lang rin ang gusto ni Marissa, ang makasama ang kanyang pamilya nang buo at walang kulang.
Ngunit matapos siyang iwan ng kanyang asawa para sa ibang babae, alam ni Marissa na magiging mahirap tuparin ang kanyang gusto. Pero hindi pa rin siya mawawalan ng pag-asa.
Gagawin ni Marissa ang lahat ng kanyang makakaya para mabalik ang asawa niya, para mabuong muli ang pamilya niya. At habang pinipilit niya ang kagustuhan niyang ito, hindi niya napapansin na siya naman niyang tinutulak ang kanyang mga anak na lumayo sa kanya.
Sampung taon matapos siyang iwan ng kanyang asawa, makagagawa na ng paraan si Marissa na magpakitang muli ang lalake sa kanya. Pero sa pagbalik ng kanyang asawa, may pamilya pa bang maihaharap si Marissa sa kanya?
Itinatampok si Ms. Eula Valdez kasama sina Diva Monetaba, Ruru Madrid, at Nova Villa, at mula sa manunulat ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros na si Michiko Yamamoto at sa direksyon ni Michael de Mesa, handog ng Magpakailanman ang isang madamdaming kuwento tungkol sa pamilya, at kung paano masasabi ng sinuman na buo ito.
Huwag palagpasin ang Magpakailanman: Kislap ng Parol ngayong Sabado ng gabi pagkatapos ng Vampire ang Daddy Ko sa GMA7.