Lacson ipu-push sa 10k!

Mukha naman talagang napakahaba ng pisi ng N2 Productions, Philippines Film Studios, Inc., at ng Viva Films dahil kung ang lahat ng nagpoprodyus ng pelikula ay pangunahing hangad ang mabawi ang kanilang gastos sa pelikula, sa awards naman nakatutok ang atensiyon ng mga bagong prodyuser. Naghahangad din silang kumita sa takilya at napaka-positibo ng kanilang pananaw na maganda ang proyekto nilang 10,000 Hours kaya panonoorin ito sa pagpapalabas sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2013, simula sa araw ng Pasko.

Bagama’t inspirado ang mapusok na pelikula sa ilang mga pangyayari sa buhay ni dating Senador Panfilo Lacson at ngayon ay ginawang czar ni P-Noy at pamamahalaan sa pagbangon ng mga probinsiya at mga mamayan nito mula sa bagyong Yolanda, hindi ito propaganda ng senador na taliwas sa pinaniniwalaan ng marami na malaki ang maitutulong para maitulak ang political career.

“Hindi ako nagpapagamit sa pulitiko kung alam kong hindi totoo. Una na itong ginawa ni Daboy (Rudy Fernandez) at pagpapatuloy lang ito ng nasimulan niya,” ani Robin Padilla na hindi si Sen. Lacson ang ginagampanan sa pelikula kundi isang Gabriel Molino Alcaraz, isang pulis na nilabanan ang isang sindikato ng kidnap for ransom groups. 

Boy2 babaguhin ang pangalan

Kasama naman si Boy 2 Quizon sa 10,000 Hours pero hindi bilang artista kundi bilang isa sa mga prodyuser.

 â€œAyaw kong dala-dalawa ang ginagawa. Gusto kong mag-focus sa isa lang. Hindi puwedeng dalawa ang trabaho dahil siguradong magsa-suffer ang isa. Eh gusto kong pulido ang produksiyon kaya sakripisyo muna ang pag-aartista. Makakasama pa rin naman ako sa mga susunod naming project. May mga palabas din naman ako sa TV na kung saan ay nagagawa kong umarte,” anang nagsimula bilang isang child star pero ngayon ay iba nang landas ang tinatahak.

Balak din niyang ibalik ng paunti-unti ang kanyang pangalan sa Manuel Quizon.

“Parang pambata ’yung Boy 2,” dagdag niya.

Bela ngayon lang nagdadalaga

Kahit napaka-smooth naman ng relasyon ni Bela Padilla sa boyfriend niya at producer ng pelikulang nasamahan niya, ang 10,000 Hours na si Neil Arce, wala pa sa plano niya ang pag-aasawa. Feel niya ay lubhang napakabata pa niya para sa ganito kaseryosong bagay.

“Ngayon pa lang ako nagdadalaga,” katuwiran niya.

Bago ang 10,000 Hours ay gumawa ng isang TV show sa Singapore si Bela. Point of Entry ang titulo ng TV show na baka ipinalalabas na ngayon sa Singapore. English ang dialogue na ginamit dito kaya hindi siya masyadong nahirapan.

Show comments