MANILA, Philippines - Sa nakalipas na taon, iba’t ibang malalaking kaganapan ang sumubok sa katatagan ng mga Pilipino. Mga pangyayaring nag-iwan ng matinding pinsala sa marami nating kababayan.
Sa pinakahuling naitala, halos pitong daang libong pamilya ang naapektuhan ng lindol na tumama sa Visayas noong Oktubre. Pumalo na sa mahigit anim na libong katao ang kumpirmadong namatay, dalawampu’t pitong libo ang sugatan, at 1,700 pa rin ang nawawala.
Agosto naman nang maganap ang sunud-sunod na pambobomba sa Mindanao, partikular na sa Cotabato City. Pero ang maituturing na pinakamatagal na krisis sa seguridad ngayon taon, ang bakbakan sa Zamboanga City .
Taon din ito ng mga paglalantad. Hulyo nang pumutok ang isang malaking iskandalong bumulabog sa mababa at mataas na kapulungan, ang maanomalya umanong P10-billion pork barrel scam. Ang Priority Development Assistance Fund o PDAF ng mga mambabatas, napunta umano sa mga peke o tinatawag na bogus na mga NGO o non-government organization. Ang itinurong mastermind sa scam, si Janet Lim-Napoles. Nito lamang Nov. 19, idineklara ng kataas-taasang hukuman na unconstitutional ang PDAF.