Regine bibida sa musical docu
MANILA, Philippines - Labing-isang araw bago sumapit ang Pasko, handog ng GMA News TV ang isang natatanging musical documentary sa pangunguna ni Asia’s Songbird Regine Velasquez – ang Awit ng Pasko.
Mapapanood ngayong Sabado ng gabi sa Channel 11, sabayan si Regine sa kanyang musical performances ng mga piling-piling awiting Pamasko kabilang na ang Kumukutikutitap, Noche Buena, Pasko Na Naman, at Pasko na, Sinta Ko. Ang mga awiting ito ay kumakatawan sa apat na aspetong bumubuo sa masayang Paskong Pinoy: pagkain, dekorasyon, regalo, at pagsasama-sama ng pamilya.
Makakasama rin sa Awit ng Pasko ang ilang personalidad sa GMA News TV tulad ng mga I Juander host na sina Cesar Apolinario at Susan Enriquez na ibabahagi at ipatitikim ang paborito nilang pagkain tuwing Pasko. Makitikim naman sa putaheng pang-noche buena na ihahain ni Idol sa Kusina host Chef Boy Logro. Magbibigay din ng tips si Chef Boy kung paano makakapaghanda ng masarap na noche buena kahit kakaramput lang ang budget ng pamilya.
Magandang balita naman ang hatid ng Good News correspondents na sina Love Añover at Bea Binene sa mga batang survivor ng super bagyong Yolanda. May dalang munting regalo sina Love at Bea na tiyak na magpapangiti sa mga chikiting.
Sisilipin din sa espesyal na programang ito ang mga parol at belen na metikulusong ginagawa sa Pampanga at Tarlac. Ipapakita rin sa musical documentary na ito ang mga simpleng pasyalan sa Metro Manila na punung–puno ng maniningning na ilaw at dekorasyon.
Tampok rin sa Awit ng Pasko ang kwento ng isang OFW (Overseas Filipino Worker) mula Saudi na uuwi sa Pilipinas para sorpresahin ang kanyang pamilya pati na rin ang isang mag-anak na matagal nang nagkawatak-watak ngunit susubuking magsama-sama muli para sa isang maagang noche buena.
Mga awitin at kuwentong may puso ng Pasko sa Awit ng Pasko ngayong Sabado, Disyembre 14, 8 p.m., sa GMA News TV.
- Latest