Sen. Miriam at Sen. Enrile tinalbugan ang pagiging palengkera ng ibang artista

Tinutukan kahapon sa TV ang privilege speech ni Senator Juan Ponce Enrile sa senado. Sinagot ni Papa Johnny ang mga bintang sa kanya ni Senator Miriam Defensor-Santiago.

Naloka ang televiewers sa sinabi ni Papa Johnny na “sorry dahil hindi na siya naasiman” kay Mama Miriam na nag-dialogue noon na may asim pa ang senador na favorite niya na tarayan.

Parang mga taga-showbiz din sina Papa Johnny at Mama Miriam dahil sa kanilang ne­ver ending word war. Tinalbugan pa nila ang mga artista na mga palengkera kung makipag-away.

Tirahan ni Ryzza hindi pa napag- uusapan ang renta

Mabuti na lang, 5 p.m. ang presscon kahapon ng My Little Bossing kaya nakadalo ako. Ang My Little Bossing ang filmfest movie ng aking favorite childstar na nakatira sa condo unit ko, si Ryzza Mae Dizon.

Binisita ko noon si Ryzza sa condo unit na tinutuluyan niya. Nagulat ako nang kumatok ako sa unit dahil siya mismo ang nagbukas ng pinto with matching dialogue na “Sa inyo po ito di ba?”

Bigla ko tuloy naalaala na hindi pa kami nag-uusap ng madir ni Ryzza tungkol sa kanilang monthly rental fee!

ABS-CBN and TV5 nagkansela na ng xmas party

Nakatanggap na ang entertainment press ng text message mula sa mga representative ng dalawang TV network. Nakalagay sa mga text message na kanselado ang Christmas party ng mga television network para sa entertainment press dahil minabuti nila na i-donate sa typhoon Yolanda victims ang pera na gagastusin.

Hiningi nila ang mga home address ng mga reporter para sa mga Christmas gift na kanilang ipadadalang regalo.

Affected sa tax problem ni Pacman

Affected ang entertainment press sa tax problem ni Papa Manny Pacquiao. Frozen delight ang bank accounts ni Papa Manny kaya hindi siya makapag-withdraw ng datung. Na­ging ugali pa naman ni Papa Manny na magpa-raffle ng cash sa Christmas party for the press.

Ano pa ang ipapa-raffle ni Papa Manny eh ipinangutang pa nga nito ang pambayad sa relief goods na dadalhin niya sa Tacloban City? At paano pa magkakaroon ng mga raffle draw kung walang Christmas party? Hindi pa naglalabas ng advisory ang GMA 7 kung kanselado ang kanilang Christmas party pero hoping ang mga reporter na matuloy.
Ang ABS-CBN at TV5 pa lang ang nagkansela ng traditional Christmas party nila.

Repeat ng concert ni Sarah mabenta

Halos sold out na ang tickets para sa repeat ng 10th anniversary concert ni Sarah Geronimo sa MOA Arena sa November 30. Pati ang complimentary tickets, ubos na rin dahil sa rami ng mga humihingi. Surprise guest si Lea Salonga sa concert ni Sarah sa Smart Araneta Coliseum noong November 15.

Baka hindi na maulit ang guesting ni Lea sa repeat ng anniversary concert ni Sarah dahil getting ready na siya para sa kanyang 35th anniversary concert sa PICC Plenary Hall. Dalawang gabi ang concert ni Lea, sa December 6 at December 7. Thirty-five years na si Lea sa entertainment industry dahil bagets na bagets pa siya nang magsimula ang kanyang showbiz career.

Viva Happy sa resulta ng when the love…

Happy ang Viva Films executives dahil maganda ang resulta kahapon ng unang araw sa mga sinehan ng When the Love is Gone.
Inaasahan na rarami pa ang mga manonood sa remake ng Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi dahil sa usap-usapan na maganda ang pelikula na tinatampukan nina Gabby Concepcion, Alice Dixson, Jake Cuenca, Cristine Reyes,  at Andi Eigenmann.

Bading na bading ang role ni Jake sa When the Love is Gone. As usual, naghubad uli siya sa pelikula kahit baklita ang papel na ginampanan niya. Komportableng-komportable na si Jake sa pagpapakita ng hubad na katawan sa wide screen.

Show comments