DZMM, binuhay ang diwa ng pag-asa at pagbangon sa Christmas station ID

MANILA, Philippines - Ang diwa ng pagtutulungan ay likas na sa bawat Pilipino noon pa man lalo na sa oras ng pangangailangan. Kaya naman sa oras na muling hinahamon ang ating bayan, nagbigay pag-asa at inspirasyon ang DZMM sa pagsariwa nito sa iba’t ibang kuwento ng pagbangon kabahagi ang masugid nilang mga tagapakinig at manonood sa kanilang bagong Christmas Station ID na DZMM Magkasama Tayo sa Kwento ng Pasko na inilunsad noong Lunes (Nov. 25).

Bago pa man dumaan ang unos ay umaagapay na ang DZMM sa mga serbisyo publiko nito tulad ng Teaching Learning and Caring (TLC), Kapamilya Shower Na!, Takbo Para sa Karunungan, Dugong Alay, Dugtong Buhay, Eduk-Aksyon, at Maligayang Paslit.

Maging ngayon na hinagupit ang bansa ng bagyong Yolanda ay patuloy na nakaalalay at handang rumesponde ang DZMM sa kapwa Pilipino sa pamamagitan ng pagbubukas ng linya ng komunikasyon nito para sa mga donasyon at para sa panawagan sa mga nawawalang kaanak ng mga nasalanta ng bagyo.

 Sa iisang tinig ng DZMM anchors at reporters ay layunin ng music video na mapukaw ang damdamin ng bawat Pilipino at buhayin ang pag-asa sa kanilang puso. Kabilang sa mga umawit ng theme song ay sina Noli de Castro, Korina Sanchez, Julius Babao,Henry Omaga-Diaz, Jing Castañeda, Doris Bigornia, Winnie Cordero, Ariel Ureta, Peter Musngi, Bernadette Sembrano, Kaye Dacer, Bro. Jun Banaag, Pat-P Daza, Carl Balita, Joey Linam, Ambet Nabus, Ahwel Paz, MJ Felipe, Ogie Diaz, Jasmine Romero, Toni Aquino, May Valle-Ceniza, at Traffic Angels na sina Tina, Bea at Barbie. Maging ang presidente at CEO ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio ay nakikanta rin.

 Para sa mga nais mag-abot ng tulong o donasyon at para sa mga katanungan kaugnay sa relief o rescue operation para sa Bagyong Yolanda, tumawag lamang sa pledge line ng ABS-CBN na 411-0013, 411-0014, 411-0015, 411-0182 or 411-0183.

Show comments