Mga kandidate ng Miss Earth palakad- lakad lang

Napaka-pleasant ng lahat ng mga candidates ng Miss Earth 2014 na nagmula sa 90 countries. Ang halos kalahati sa kanila ay dumayo last Monday night sa Toki, isang kila­lang Ja­panese restaurant sa Bonifacio Global City sa Taguig City, kung saan sila nag-dinner na pina­ngunahan ng reigning Miss Earth 2012 na si Tereza Fajksova ng Czeck Republic.

Since sa F1 Hotel sila lahat naka-billet at walking distance sa Toki, naglakad lamang sila kaya halos pagkaguluhan sila ng mga taong nakakita. Pati ‘yung mga nasa loob ng sasakyan ay nagsihintuan dahil doon lamang sila nakakita up-close ng mga naggagandahang kandidata mula sa iba’t ibang bansa na naglalakad sa kalye nang magkakasama. Mabuti na lamang at behave ang mga customers ng Toki nang magsidatingan ang mga kandidata ng Miss Earth.

Nag-enjoy ang Miss Earth candidates sa pagkain sa Toki at nangako sila na babalik sa nasabing Japanese restaurant na kilala sa paghahain ng authentic Japanese food. Ang strange, may allergy sa fish si Miss Japan candidate kahit paborito ng mga Hapon ang isda at iba pang sea foods.  Tuwang-tuwa rin ang Miss Japan na nakarating siya ng Toki at nasarapan siya sa pagkain. Feeling at home nga si Miss Japan nang dumating sa Toki at kinausap pa niya ang ibang Japanese customers ng restaurant at maging ang big boss ng Toki na si Koji Miyashita na nagkataon na naroon din ng gabing `yon. 

I Love Tacloban Foundation tumatanggap ng donasyon

Ipinaalam sa amin ng Tacloban first lady at misis ni Mayor Alfred Romualdez na si Councilor Cristina `Kring-Kring’ Gonzales-Romualdez na may sariling bank account number ang I LOVE TACLOBAN FOUNDATION, INC.  at ito ay ang BPI Acct. No. 9581000143.  Sa mga nagnanais na magpadala ng kanilang tulong  ay maaari nila itong idiretso at ideposito sa naturang account name at account number.

Ang nakatutuwa lamang kahit hirap pa rin ang mga Taclobanons at taga-ibang Visayas area na sinalanta ng bagyong Yolanda, unti-unti na silang bumabangon. Pero kailangan pa rin nila ng tuluy-tuloy na ayuda mula sa iba’t ibang sector lalo pa’t marami pa rin sa kanila ang hindi pa inaabot ng mga relief goods at walang masisilungan.

Bayan ni Boy Abunda naubusan na ng supply

A few days pagkatapos ng pananalanta ng bagyong Yolanda sa Eastern and Central Visayas, may mga nabibili pa sa aming hometown ni Boy Abunda sa Borongan City, Eastern Samar kung saan mayor ang nakatatandang kapatid ni Boy na si Mayor Fe Abunda at congressman naman ng Eastern Samar si Rep. Ben Evardone. Pero ang buong Samar including Borongan ay naka-depende ng kalakal sa Tacloban na siyang pinakagrabe ang pininsala ng Yolanda. Ang nangyari, yung mga taga-ibang lugar ng Samar ay nagsipuntahan ng Borongan hanggang maubos ang mga paninda ng mga basic goods maging gasoline. Ang problema ngayon, ultimo bigas at inuming tubig ay wala nang mabili sa Borongan. ‘Yung mga sinalanta ay umaasa na lamang sa mga relief goods at kahit `yung may mga perang pambili ay wala ring magawa dahil walang mabiling paninda lalo na ang bigas.

Hirap na hirap din ang aming mga kaanak at mga kababayan sa Borongan dahil sa kanilang sitwasyon ngayon.

Open na ngayon ang land transportation. Problema naman ngayon ang gasoline at ang mga roro vessels ay limitado sa pagtawid mula Allen, Samar at Bicol na kilo-kilometro ang haba ng pila ng gustong tumawid ng Samar.

Sana ay mapuntahan din ng national government ang Borongan na siya ring inaasahan ng buong Eastern Samar sa ibang lugar doon.

Alam nating lahat na apaw-apaw ang dumara­ting na tulong mula sa iba’t ibang sector including the international communities pero ang pinakamahirap ay ang logistics.

Wala pang commercial flights to Tacloban from Manila at limitado rin ang sea vessels na magta-transport ng mga goods mula Maynila.

Wala ring resources ang LGUs o local government units dahil nasira rin ang mga ito ng bagyo.

Show comments