ABS-CBN humakot sa Philippine Quill awards
MANILA, Philippines - Humakot ng pitong parangal ang ABS-CBN sa prestihiyosong Philippine Quill Awards na kumilala sa galing at husay ng Kapamilya Network sa kanilang mga proyektong may kinalaman sa komunikasyon. Ito ang pinakamaraming Quill Awards na nakuha ng isang TV network para sa taong ito.
Dalawang tropeo ng Quill ang inuwi ng ABS-CBN Integrated News and Current Affairs para sa taunan nitong seminar na gumagabay sa mga pangaÂngailangan ng mga magiging ina at isang digital mobile application na nagbibigay impormasyon at umaalalay sa pangangailangan ng mga botante.
Tumanggap ng Quill award ang ika-11 na Buntis Congress ng DZMM Radyo Patrol 630 dahil sa patuloy nitong pagsasanay at pagbibigay ng kaalaman sa mga buntis tungo sa magandang kalusugan nila at ng kanilang magiging sanggol.
Kinilala rin ang COMELEC Halalan App ng ABS-CBN Digital News Media dahil sa agaran nitong pagbibigay ng resulta sa halalan nitong Mayo mula mismo sa Commission on Elections (COMELEC), personal na impormasyon ng mga botante, at maging lokasyon ng presinto ng botante sa pamamagitan ng smartphones at tablets.
Nakapagtala ang naturang app ng 6,720,051 page views sa Android at iOs noong Mayo.
Panalo rin ang ABS-CBN Creative Communications Management ng Quill award para sa Christmas Station ID ng ABS-CBN noong 2012 na pinamagatang Lumiliwanag ang Mundo sa Kwento ng Pasko.
Pinarangalan naman ng dalawang Quill awards sa kategoryang Corporate Social Responsibility at Multi-Audience Communication ang 2012 Christmas campaign ng ABS-CBN na Lumiliwanag ang Mundo sa Kwento ng Pasko. Bukod sa station ID, parte ng kampanya ang parol selling activity, Kwento ng Pasko stories sa TV Patrol, Kapamilya Simbang Gabi, Salamat Kapamilya gift cards, viewer promo, Kapamilya Gift Together, at ang ABS-CBN Christmas Special.Ang mga pondong nakalap sa proyekto ay napunta sa mga biktima ng habagat sa Metro Manila.
Kinilala ang ABS-CBN Film Archives dahil sa matagumpay nitong pagre-restore o pagbuhay sa classic film na Himala na idinerehe ni Ishmael Bernal na nagbigay ng oportunidad sa mas batang henerasyon na mapanood ang makasaysayang pelikula. Sa pamamagitan ng 360 marketing campaign na dinisenyo ng ABS-CBN, napanood ang high definition o HD na kopya nito sa free TV at sa cable, nagkaroon ng espesyal na red carpet premiere sa sinehan, ipinalabas sa prestihiyosong 69th Venice Film Festival, ipinapanood din sa ibang bansa sa pamamagitan ng pay-per-view sa Global TV, at maaari ring bilhin sa DVD format.
Ang ABS-CBN ang nagtamo ng pinakamaraming parangal sa lahat ng TV network ngayong taon matapos nitong makakuha ng pitong Quill awards, habang may dalawang naiuwi ang TV5 at isa naman sa GMA.
- Latest