Kring KRing may souvenir sa malagim na dinanas!

Hindi multo ang napakaganda pa ring dating  artista  at ngayon ay maybahay ng mayor ng Tacloban at isa ring konsehal ng nasabing lugar na si Cristina o Kring Kring Gonzales Romualdez na nakamer­yenda ng ilang mga myembro ng media nung Martes ng hapon. Taliwas ito sa nabalitang namatay ito at ang kanyang pamilya sa pagragasa ng bagyong Yolanda sa Tacloban. “Andun kami, pero katulad ng maraming Taclobanon ay muntik na kaming maging biktima ni Yolanda  sa pagragasa ng mala-tsunaming tubig dagat na sumira sa buong probinsiya at binuwisan ng buhay ng marami naming kababayan.

“Ilang araw pa bago dumating si Yolanda ay nakapaghanda na kami. Nakipag-coordinate na ako sa ilang mga local officials, pero walang sinuman ang nakaisip na hindi bagyo kundi isang delubyo ang darating sa amin. Andun kami ng mga anak ko sa aming bahay na malapit sa dagat nang magsimulang sumama ang  panahon. Mabuti na lamang at hindi kami nag-iisa ng mga anak ko, isang edad 14 at ‘yung bunso  na 10 years old. Kasama namin ang aming driver, isang karpintero at ang labandera namin. Pinasundo na rin namin sa kanila ang mga pamilya nila bago pa dumating ang inaakala naming bagyo lang para sama-sama silang magpalipas ng sama ng panahon sa bahay. Hindi namin akalain na sa ilang saglit lamang ay biglang pumasok ang tubig sa bahay at agad napuno ang first floor na kinalalag­yan namin. Mabilis ang pagtaas ng tubig. Umabot ito ng 10-12 feet at dinala kami sa kisame ng bahay. Nang matastas ang kisame ay  sama-sama kaming kumapit sa isang haligi.  Sigaw nang sigaw ang isa kong anak na “I don’t wanna die.” Ako naman walang tigil sa pagdarasal. Ni hindi ko nagawang matakot nang makita kong may mga kasama kaming nakalutang sa tubig na malalaking daga at isda. Pinilit naming makaakyat ng second floor. Pumasok kami sa isang kuwarto na hindi mabubuwal ang pader dahil may kalapit itong kuwarto. Dun na namin hinintay ang pag-alis ni Yolanda. Nang tumigil ang ulan ay sama-sama kaming lumabas ng bahay.  Malaki pa rin ang tubig. Napakaraming tao sa kalsada, pero walang nagsasalita. Parang lahat ay tulala at  basta naglalakad lang. Gabundok ang mga kahoy na mula sa mga nawasak na bahay. Ang layo ng nilakad namin bago kami nakarating ng bayan,” pagbabalik alaala ni Kringkring na  ang asawang mayor ay nasa  bayan na at inaasikaso ang pagdating sana ng bagyo.         

“Hindi ko, alam kung saan nanggaling o paano nagsimula ang balitang namatay kami. But all the time andun ako sa bahay with my children. Nung lumabas na kami ng bahay at magsimulang maglakad ay may mga potograpo nang kumukuha ng litrato, pero hindi ko naman naisip na magpakuha ng picture at that particular moment na tuliro pa ako,” paliwanag nito.

Nasa Maynila si Kring Kring para kumuha ng mga supply na kakailanganin nila at manghingi na rin ng tulong para sa kanyang mga kababayan. “Hindi rin ako makapagdadala ng marami dahil nakisakay lang ako sa isang pribadong eroplano,” paliwanag nito na kakikitaan pa rin ang pasa sa kanyang mukha  at ilang mga sugat sa katawan na souvenir ng kanyang mahirap na pinagdaanan.

Pelikula ng national artist na si Eddie Ro­mero mapapanood uli

Kung hindi n’yo pa napanood ang pelikula ng yumaong si Eddie Romero na  Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon na nanalo ng Famas at  Gawad Urian nung  1976, pagkakataon n’yo nang makita ang pinagandang bersyon nito ngayon ng ABS CBN’s Film Archives at Central Digital Labotory.

Ang pelikula na tinatampukan nina Christopher de Leon, Gloria Diaz, Eddie Garcia, Leopoldo Salcedo, at Jaime Fabregas ang nagbukas ng Cinema One Originals Festival sa Trinoma nung Nob. 7.  Palabas din ang mga pelikulang kasali  (Sitio,  Kabisera, Blue Bus­tamante, Alamat ni China Doll, at  Woman of the Ruins) sa festival sa  Glorietta at Robinson’s Galleria hanggang Nob. 19.

 

Show comments