Charo, Kris, at Karen pinarangalan sa Golden Wheel Awards

MANILA, Philippines - Kabilang ang presidente at CEO ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio, Queen of All Media na si Kris Aquino at batikang mamamahayag na si Karen Davila sa mga tumanggap ng parangal sa ginanap na Golden Wheel Awards kamakailan na iginawad ng Quezon City government at Rotary International District 3780.

Kinilala ng award-giving body ang galing ni Charo sa corporate media ma­nagement na siyang namuno sa pagpapataas ng kabuuang kita ng kumpanya, pagpasok ng mas maraming patalastas sa telebisyon, at pangunguna ng ABS-CBN sa buong Pilipinas.

Pinuri naman si Kris sa kahusayan nito sa larangan entertainment media. Bukod sa mga parangal na natanggap niya bilang aktres at TV host ay ilang beses na rin siyang nahirang na Box Office Queen. Noong 2012 ay tumanggap din siya ng iba pang parangal bilang isang magaling na media personality gaya ng Most Influencial Endorser of the Year mula sa Educators and Critics Circle Award for Media Communication, Best Lifestyle Program Host mula sa Golden Screen TV Awards at Best Female Celebrity Talk Show mula PMPC Star Awards for TV noong 2012.

Si Karen naman ay pinarangalan dahil sa mga kontribusyon nito sa pamamahayag o broadcast journalism. Sa loob ng 15 taon niya sa industriya ay umani na rin ng maraming pagkilala si Davila sa loob at labas ng bansa kabilang na ang parangal mula sa prestihiyosong New York Festival at kinilala bilang isa sa Ten Outstanding Young Men Awards for Broadcast Journalism noong 2008.

Ginanap ang awarding ceremony nitong Oktubre 26 sa Crowne Plaza Hotel, Ortigas.

 

Show comments