MANILA, Philippines - Literal niyang sinusundan ang yapak ng kanyang yumaong mister. Tuwing matatapos ang sesyon sa Kongreso, sumasakay ng bus pauwi sa Naga City si Rep. Leni Robredo para bisitahin ang mga barangay sa ikatlong distrito ng Camarines Sur.
Kung dati ang tingin niya sa pulitika ay isang nakapapagod na gawain, nakikita na niya ito ngayon bilang isang pribilehiyo para makapaglingkod.
Pero nakakapagod ang gawain ni Rep. Robredo. Matapos ang buong gabing biyahe sa bus, diretso na siya sa pagbisita sa iba’t ibang barangay at mga pulong. Sa dalawang araw na sinundan siya ng Bawal ang Pasaway, 37 barangay ang binisita ni Rep. Robredo. Walang magawa ang kanyang mga staff kundi tumbasan ang bilis ng kanyang pagkilos at sipag sa gawain.
Sa kabila nito, may mga bagay na hindi pa rin maharap ng kongresista. Inamin niya na hanggang ngayon ay wala pang nagagalaw sa mga naiwang gamit ng kanyang yumaong asawa. Idinagdag pa niya na hindi pa rin kayang panoorin ng kanyang mga anak ang mga video patungkol sa kanilang ama, ang yumaong DILG Secretary Jesse Robredo.
“One thing is for sure, I have no plans of replacing Jesse and finding someone else,†sagot niya nang tanungin siya ni Mareng Winnie Monsod kung may balak pa siyang mag-asawang muli.
Tunghayan ang kabuuan ng panayam kay Rep. Leni sa Lunes, Nov. 4, sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, 10 p.m. sa GMA News TV Channel 11.