Pagli-link kina Carla at Tom gimik lang?!

Dahil marahil may gagawin silang pelikula na magkasama ni Carla Abellana kung kaya ngayon pa lamang ay may sinimulan nang intrigahin si Tom Rodriguez sa Kapuso actress. May mga nakakapansin na sa extra sweetness nila but both dismiss this as that of good friends lang.

“May respeto naman ako sa boyfriend niya (Geoff Eigenman). Just like Carla, magkaibigan din kami. ’Yung closeness namin ng girlfriend niya ay bunga lamang ng matagal naming pagsasama sa My Husbands Lover, nothing more. At kung madalas man kaming magkasama ngayon is because may gagawin kaming movie together and we’re always invited sa mga showbiz event. Pero, ’yung pormahan siya, hindi naman mangyayari, mayroon din naman akong sariling love life,” paliwanag ng biglang sikat na Kapuso actor at ngayon ay ka-tandem ni Dennis Trillo.

Paulo hindi na apektado kay LJ

Mukha talagang naka-move on na si Paulo Avelino sa naging relasyon nila ni LJ Reyes. Ni walang kaunti mang bakas ng pagseselos na nakikita rito kapag nababanggit na mukhang nagkakaigihan na ang kanyang ex-girlfriend at si Renz Fernandez. Parang mas matimbang pa nga na madali niyang makuha at mahiram dito kanyang anak na si Aki.

Bagama’t wala naman silang away at nagagawang mag-usap ng maayos pagdating sa kanilang anak, obvious na may paggalang sila sa isa’t isa. One wonders kung ang breakup nila ang naging dahilan ng depresyon ng aktor kamakailan at nagtulak sa kanya para diumano ay kunin ang sarili niyang buhay. Nag-deny si Paulo sa isyu na ito at maayos na nabalikan ang kanyang karera sa ABS-CBN na may bago siyang serye, ang Honesto, na sa pagsisimula pa lamang ay nagbabadya na ng isang magandang kuwento na kalulugdan ng lahat.

Speaking of Honesto, nakakaiyak naman ’yung episode nung Miyerkules ng gabi na namatay ang character ni Maricar Reyes matapos isilang si Honesto. Muli ay namalas ang husay sa pag-arte ni Paulo bilang nagpapakabuti na sanang tao pero ayaw hayaan ng kanyang ama na mahusay na ginagampanan ni Joel Torre. Sa tindi ng eksena ay hindi mo mamamalayan na umiiyak ka na pala.

Ryan isasabong kay Juday

Kahit pa nagpapaka-propesyonal sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo sa magiging pagtatapat ng kanilang mga programang Bet On Your Baby para kay Juday sa ABS-CBN at ang Picture! Picture! ni Ryan, dapat aware sila na pagtatapatin sila and both should have talked to their respective networks para maiwasang mangyari ito, for delicadeza. 

Ryan for his part should have insisted na huwag itong gawin ng GMA dahil hindi maganda at pagsisimulan pa ng disgusto sa pagitan nilang mag-asawa. At dahil nauna namang umere ang programa ni Juday, naiwasan sana nila ang head-on collision.

Kung ang mga magkakaibigan ay nagkakaaway sa ganitong sistema, sila pa kayang mag-asawa ang hindi?

Jodi nauna nang ikasal kay Ser Chief

Mabuti pa si Ser Chief (Richard Yap), magagawang pakasalan si Maya (Jodi Sta. Maria). Isang engrandeng kasalan ang magaganap sa kanila sa programang Be Careful With My Heart sa buwan ng Nobyembre. Pero ang nobyo niyang si Jolo Revilla ay baka hintayin pang matapos ang kaso ng kanyang amang si Sen. Bong Revilla, Jr. bago niya mapangatawanan ang girlfriend.

Hindi raw bagay ang magsasaya sila na nangyayari sa isang kasalan habang wala pang kasiguruhan ang pagkakasangkot niya sa iskandalo ng pork barrel scam.

Bembol at Irma problemado sa mga multo na nakatira sa kanilang dream house

Nakakatakot na kuwento tungkol sa isang pamilyang nakatira sa isang haunted house ang tampok bukas ng gabi sa Maalaala Mo Kaya (MMK) ng ABS-CBN. Ibabahagi ang mga sakripisyong ginawa ni Minda (gagampanan ni Irma Adlawan) upang mapanatiling buo ang kanilang pamilyang unti-unting winawasak ng kanyang mapanakit na asawang si Paeng (gagampanan ni Bembol Roco).

Kaya nang dumating ang suwerte, agad na bumili si Minda ng isang bagong bahay sa pag-asang ito ang magiging susi upang muling mapaglapit ang kanyang mag-aama. Ngunit, mas kagimbal-gimbal ang naganap sa pamilya nila dahil bukod sa takot na dulot ng masamang ugali ni Paeng, dadagdag sa gulo ang mga multong naninirahan sa kanilang dream house.

Tampok sa Halloween episode ng MMK bukod kina Irma at Bembol sina Ina Feleo, Alex Castro, Mico Aytona, Pierro Vergara, at Ynna Asistio. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Garry Fernando.

Show comments