Naluha ako nang mapanood ko ang revelation ni Phoemela Baranda na may inililihim siya na 15-year-old daughter. Ang hirap nang ginawa ni Phoemela dahil hindi madali na itago ng 15 years ang kanyang secret. Ito pala ang dahilan kaya hindi siya naengganyo na sumali sa mga beauty contest noong bagets pa dahil siguradong mabubuko ng publiko ang kanyang sikreto.
Itinago ni Phoemela ang bagets dahil sa kanyang successful modeling career noon. Ngayong alam na ng lahat na nanay na siya, oras na para bumawi sa kanyang anak na maganda rin.
Hindi nag-iisa si Phoemela. Hindi siya ang kauna-unahang TV personality na umamin na may anak. Nauna na si Aubrey Miles na inamin sa publiko ang pagkakaroon ng anak sa former actor na si JP Obligacion.
Ang pagkakaiba lang, todo-deny si Aubrey na may anak na ito noong namamayagpag ang kanyang career bilang sexy star. Pinanindigan ni Aubrey ang pagiging dalaga kaya nang umamin siya, nawala ang kanyang kredibilidad, kasabay din ng paglamlam ng showbiz career niya.
Iba ang kaso ni Phoemela dahil wala talagang nakakaalam na may anak na siya. Kung hindi siya umamin noong Linggo sa Buzz ng Bayan, mananatiling sikreto ang kanyang lihim pero baka forever na mang-usig ang konsiyensiya niya.
Ibang mga artista baka may mga anak ding tinatago
Hindi tayo nakasisiguro sa iba pang artista. Malay natin, baka may mga aktor at aktres na may mga anak na itinatago rin pero tikom ang bibig para hindi maapektuhan ang kani-kanilang mga showbiz career.
Hindi naman sila katulad ni Carmen Rosales na may mga anak na nang pumasok sa showbiz. Naging superstar si Carmen pero hindi niya itinanggi ang pagkakaroon ng mga anak.
Ang mother studio ni Carmen ang nagtago sa publiko ng kanyang sikreto. Protektadung-protektado noon ng mga film studio ang kanilang mga contract star. Walang masyadong alam noon ang fans tungkol sa mga personal na buhay ng mga artista na iniidolo.
Nagbago ang trend nang mamayagpag ang career nina Nora Aunor at Vilma Santos dahil lahat ng kilos at love life nila, nakialam na ang fans.
Kylie nagulat na gagawan ng pelikula ng ama
Nag-umpisa noong Biyernes, Oct. 25, ang taping ng Adarna, ang primetime show ng GMA 7 na papalit sa Kahit Nasaan Ka Man. Sina Kylie Padilla, Benjamin Alves, at Mikael Daez ang stars ng Adarna. Kasama rin sa cast si Chynna Ortaleza.
Sa title pa lang, obvious na si Kylie ang bida at gaganap na Adarna, ang babaeng ibon. Hoping si Kylie na ang Adarna ang magiging daan para sumikat siya ng todo. Nag-promise siya na gagawin ang lahat para hindi masayang ang pagtitiwala sa kanya ng GMA 7.
Masuwerte si Kylie dahil si Ricky Davao ang direktor ng Adarna. Actor’s director si Ricky na favorite ng marami dahil walang tensiyon sa set kapag siya ang katrabaho. Cool na cool si Ricky as in hindi ito naninigaw at nanghihiya ng mga artista.
Iba talaga kapag kapwa aktor ang direktor dahil naiintindihan nito ang pakiramdam ng mga artista niya.
Nagulat si Kylie nang malaman nito na ipagpo-produce siya ng pelikula ng kanyang tatay na si Robin Padilla.
May dahilan si Kylie para ma-surprise dahil hindi pa naipalalabas sa mga sinehan ang pelikula na ginawa nila ni Robin, ang Kuratong Baleleng. Mauuna pa na ipalabas sa Kuratong Baleleng ang 10,000 Hours, ang pelikula ni Robin na official entry sa Metro Manila Film Festival 2013.