‘Men in black ni Kris nasalo ako’

Totoo ang tsismis, masarap ang mga pagkain sa Wangfu, ang Singaporean-Chinese cuisine restaurant na pag-aari ni Richard Yap at ng kanyang mga business partner.

Na-tempt ako na pumunta sa Wangfu dahil napanood ko sa TV ang coverage sa grand opening ng restaurant na madaling sadyain dahil nasa kanto lang ng Tomas Morato at Roces Avenues.  

Kumain ako sa Wangfu noong Huwebes at naloka ako nang dumating ako dahil sa presence ng men in black. Mga member pala ng PSG ang men in black dahil may taping si Kris Aquino para sa KrisTV.

Nagkita kami ni Richard Yap sa Wangfu na favorite restaurant din ng Chinese community. Mga Tsinoy ang karamihan sa mga kostumer na naabutan ko na walang ginawa kundi ang magpakuha ng litrato na kasama si Richard.

Lalong naging guwapo si Richard sa paningin ko. May dahilan talaga para kabaliwan siya ng mga babae.

Ang sabi ng handler ni Richard na si Kate, blockbuster ang lahat ng mga concert ng aktor sa ibang bansa. Ang lakas-lakas daw ni Richard sa Filipino community sa US.

Tiniyak ko kay Richard na babalik ako sa kanyang restaurant dahil nagustuhan ko nga ang mga pagkain at ang magandang serbisyo.

Heto na ang nakakaloka na parte habang pababa ako ng hagdan. Muntik na akong madulas pero nasalo ako ng men in black na nataranta sa eksena.

Nagpasalamat ako sa men in black na talagang natensyon pero in fairness to me, hindi ko sila pinag-isipan na type nila ako na itulak. Sobrang babait nila.

Mother Lily aligaga sa status...

Si Mother Lily Monteverde ang punong-abala sa presscon ng Status: It’s Complicated na invited ako pero hindi ko sinipot dahil gabi ang event. Hindi ko tuloy natikman ang ginatan na ipinagmamalaki ni Mother.

Sina  Maja Salvador, Jake Cuenca, Solenn Heussaff, Paulo Avelino, at Eugene Domingo ang stars ng Status: It’s Complicated.

Ang sabi ng mga dumalo sa presscon, natuwa sila kay Jake dahil nagkuwento ito tungkol sa naging relasyon kay Lovi Poe. Ganoon din si Paulo Avelino na umamin na hiwalay na sila ni LJ Reyes.

Nangyari ang mga hiwalayan noong early part ng 2013. So, taon talaga ng hiwalayan ang 2013 dahil naghiwalay rin sina Luis Manzano at Jennylyn Mercado, Angel Locsin at Phil Younghusband.

Nauna lang sina Jake at Lovi, Paulo, at LJ.

Jennylyn pagpapaganda ang inaatupag

Tutukan ninyo ang Startalk ngayong hapon dahil tatalakayin namin ang mga showbiz break up na nangyari.

Sisikapin ng Startalk staff na makuha ang panig ni Jennylyn Mercado dahil nagpainterbyu na si Luis tungkol sa kanilang paghihiwalay.

Hinihintay ang pagsasalita ni Jennylyn dahil nagsalita si Luis na silang dalawa lang ang nakakaalam sa tunay na dahilan ng break up nila. Nagpainterbyu na rin si Dennis Trillo na wala itong kinalaman sa paghihiwalay ng kanyang ex-girlfriend at ni Luis.

Mula nang pumutok ang balita na hiwalay na sila ni Luis, naging aligaga si Jennylyn sa kanyang beautification project tulad ng burlesque dance class etc.

Ganyan naman talaga ang mga babae kapag nawawalan ng dyowa. Kung hindi nagmumukmok, pagpapaganda sa sarili ang inaatupag. Tama naman na magpaganda sila kesa ilublob ang mga sarili sa self-pity.

                                                 

 

Show comments