Bekikang ni Direk Wenn naka-B!

MANILA, Philippines - Graded B ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang pelikulang Bekikang, Ang Nanay Kong Beki na mag-uumpisang ipalabas sa mga sinehan ngayong araw.

Launching movie ito ng stage actor turned comedian na si Joey Paras na dinirek ni Wenn Deramas.

Ayon sa mga nakapanood na ng pe­likula, hindi nagkamali si Direk Wenn sa pagpili kay Joey na gawing bida sa pelikula under Viva Films.

Tiyak daw na tatawa at iiyak ang mga manonood sa Bekikang at ma­ka­ka-relate ang pink community sa pelikulang ito.

Ibang-iba raw ito sa mga naunang ginawa ni Direk Wenn.

KC pumayag maging ‘POKPOK’

Mukhang daring na daring si KC Concepcion sa Metro Manila Filmfest entry na Boy Golden starring Gov. ER Ejercito.

Sa ipinakitang trailer ng pelikula, aba mukhang pokpok ang role ni KC sa pelikula. Base ang pelikula sa buhay ni Arturo Porcuna na isang gangster from Tondo noong Dekada ’60.

At ginawa na pala itong pelikula noong 1963 na ang bida ay sina Lou Salvador Jr. at Perla Bautista. Gumanap na rin daw si Rudy Fernandez na Boy Ginto noon sa pelikulang Isang Araw Isang Buhay.

Sa mga tinanungan ko, hindi nila napanood ang dalawang naunang pelikula kaya walang may idea kung pokpok o dancer sa cabaret noong dekada ’60 ang role ni KC.

Si Chito Roño ang director ng pelikula.

Paulo pumayag magbilad ng katawan

Mapusok, mapaglaro, at madaling madarang. ‘Yan si Paulo Avelino pero hindi sa totoong buhay, sa bago lang niyang pelikula,  Status: It’s Complicated, ng Regal Entertainment, Inc., na showing sa mga sinehan sa Nov. 6.

Ang character ni Paulo na si Jerry ay isang dorky pero cute na graphic designer na mapapasubo sa pakikipagpalit ng lifestyle sa matalik na kaibigan at housemate na si Manny para lang makatikim ng kakaibang karanasan.

Masyado nga kasi siyang straight at ser­yoso ang pananaw pagdating sa pag-ibig, sex at pakikipagrelasyon.

Dito niya makaka­engkuwentro sina So­lenn Heussaff at Eugene Domingo na pa­re­hong palaban at walang pakialam pagdating sa pakikipagrelasyon.

Kabaliktaran ito sa nakilala bilang one-woman man.

Di ba sa totoong buhay, matagal ang na­ging relasyon ng actor sa girlfriend na si LJ Reyes kung saan ilang beses na silang nabalitang naghiwalay na lagi lang nilang idini-denay.

Pero ngayon, iba na ang eksena. Inaamin na ng actor na natuluyan ang paghihiwalay nila ng longtime girlfriend at ina ng kanyang anak na lalaki.

Isang malinaw na ebidensiya talaga na walang forever sa relasyon sa showbiz at hindi puwedeng maging dahilan ang anak para hindi maghiwalay ang isang magkarelasyon.

Sabi nga, puwedeng hindi magtagumpay ang relasyon at hindi rin puwedeng maging basehan ang edad.

Dahil mapusok si Paulo sa pelikulang ito, maraming daring scenes si Paulo sa pelikulang dinirek ni Chris Martinez at inspired ng 1980’s Ishmael Bernal classic film na Salawahan.

Ilang beses siyang nagbilad ng katawan at marami rin silang maiinit na eksena nina Solenn at Eugene na ang ilan sa kinunan pa ni Direk Chris sa Boracay.

Sobra ngang hot ang ex na ito ni LJ sa pelikula, kaya ngayong certified single uli siya, siguradong marami na namang babae ang magpapantasya at magkakandarapa sa kanya.

Pinagbibidahan din nina Maja Salvador at Jake Cuenca, sa pagbubukas ng movie sa mga sinehan simula sa Nov. 6.

Showbiz mom, kumpirmadong ubod ng suplada

True pala ang bali-balita tungkol sa isang showbiz mom. Ubod pala talaga ng suplada at parang walang kilala.

Nakita namin ito minsan sa isang party at ino­obserbahan kung maldita nga  at hindi nakikipag-usap basta-basta. Totoong-totoo. Parang walang ka­kilala at ang pakiramdam ay hindi niya ka-level ang mga nasa paligid niya.

Actually, matagal na matagal na siyang nababalitang maldita. Kahit daw ilang mga bossing ng network kung saan nagta-trabaho ang anak niya, nagsusuplada ito. Itong mommy na ito ang na­balita ring kahit daw maniningil ng kuryente at tubig ay nagiging biktima nito.

 

 

 

 

 

Show comments