MANILA, Philippines - Bibistuhin ni Julius Babao ang isang pulis na kasabwat umano ng mga snatcher sa pagbebenta ng mga nakaw na gadgets sa Bistado ngayong Lunes (Oktubre 21).
Umusbong na sana ang pag-asa sa trese anyos na anak ni Gina na mabawi ang nanakaw nitong tablet matapos makunan ng CCTV ang krimen at matunton ang mga salarin. Ngunit pag-amin ng dalawang suspek, hawak na raw ng isang pulis ang tablet para ibenta.
Tinangka raw ng pamilya ni Gina na makipag-ugnayan sa naturang pulis upang bawiin ang gamit ngunit laking gulat daw nila nang imbes na ibalik ito ay ipinatutubos pa ito sa kanila sa halaÂgang P1,800.
Anong parusa naman kaya ang maaaring ipataw sa pulis na ito? Posible kayang mapatalsik siya sa serbisyo dahil sa ginawang kabulastugan?
Bukod dito ay ibubunyag din sa episode ang diumano’y iregularidad sa barangay elections sa Carmona, Makati City. Ayon sa isang impormante, higit sa 400 ang rehistradong botante roon subalit hindi naman lahat ay lehitimong residente ng Brgy. Carmona.
Huwag palampasin ang Bistado kasama si Julius Babao, ang inyong katuwang sa seguridad at proteksyon ng pamilya ngayong Lunes, 4:45 p.m., sa ABS-CBN.