Raffy Tulfo binira si Willie, pinayaman ’tapos naninira ng TV5?!

PIK: Napapabalitang nagkakalabuan ngayon sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla na pareho naman nilang itinatanggi.

Malalaman natin ’yan sa concert ni Aljur na Come and Get Me na gagawin sa Music Museum sa San Juan City sa Nov. 9 dahil nangako si Kylie na manonood siya para suportahan ang kasintahan.

Pero marami kaming naririnig na meron talagang problema ang dalawa, tahimik lang muna sila nga­yon.

Totoo bang may third party involved?

PAK: Iniwasan ni Dennis Trillo na sagutin ang intrigang siya ang isa sa mga dahilan nang pinag-awayan nina Luis Manzano at Jennylyn Mercado kaya umabot sa hiwalayan.

Natanong ito sa Startalk pero pabirong sinagot ni Dennis na nakakahiya raw kay “Beh,” ang tawag nito kay Tom Rodriguez na kasabay niyang nag-promote ng kanilang album at US tour.

BOOM: Narinig namin sa radio program ni Raffy Tulfo sa Aksyon Radyo na binabanatan nito ang isang TV celebrity na dating kasamahan sa TV5.

Hindi niya binanggit ang pangalan pero obvious na si Willie Revillame ang tinutukoy niya dahil may mga lumalabas daw sa diyaryo na pinipintasan diumano ni Willie ang iniwanang istasyon.

Sabi ni Raffy, “Kapag kayo po ay umalis ng kumpanya na pinagsilbihan n’yo at nakakatulong naman sa inyo, lalo na pinayaman kayo, huwag n’yo po sisiraan ’yan dahil ang dating n’yan sa tao na nagbabasa at nakakaintindi napakabalasubas n’yo.

“Wala kang utang na loob, ungrateful ka, peke ka pala. Pinayaman ka ’tapos sisiraan mo?”

Hindi sinabi ’yun ng radio-TV broadcaster para kay Willie in particular dahil parang payo na niya ’yun sa lahat na mga taong umalis sa dating pinagtrabahuhan.     

Pero ang dating sa mga nakapakinig, si Willie itong pinatututsadahan niya.

Sinubukan naming kontakin ang TV host-comedian para mahingian sana ng sagot pero hindi na namin alam kung paano siya ma-contact.

Show comments