Napanood namin sa Solar preview room ang pelikulang Sapi na bida si Dennis Trillo. Kakaibang karakter ang ginampanan niya na malapit nang ipalabas kung saan kasama rin sina Meryl Soriano at Baron Geisler.
Gaya ng Thy Womb, hinangaan ang Sapi sa iba’t ibang kumpetisyon sa abroad ng mga kritiko dahil kapag Direk Brillante Mendoza ang pelikula ay tiyak na dekalidad ang pagkakagawa.
Ilan sa mga film festival sa abroad sa taong ito na sinalihan ng Sapi ay ang Busan, Sitges, Rio de Janeiro, Toronto, at Asia Pacific Film Festival.
Kung hinangaan sa gay character si Dennis sa My Husband’s Lover ay iba naman ang karakter nito sa Sapi bilang reporter ng Sarimanok Broadcasting Network (SBN). Dahil sa kumpetisyon ng Philippine Broadcasting Channel (PBC) at Sarimanok, kailangan ng SBN na gumawa ng milagro para mangibabaw sa kumpetisyon at naisip ng team na gumawa ng dokumentaryo tungkol sa actual na spiritual possession o nangyayaring sapi sa ilang biktima.
Ayon sa director na si Brillante, napapanahon ang pelikula dahil naglalarawan ito ng mga tao sa media na abala sa TV rating at patuloy na pagpapagalingan o kumpetisyon ng bawat palabas ng magkalabang network.
Coco nagpapagawa na rin ng mga apartment
Loveless pa rin si Coco Martin at gusto munang focused ang atensiyon sa career at pamilya. Sinabi ng aktor na ang pamilya ang nagsilbing inspirasyon niya para magsikap at ngayong nagtagumpay na siya ay marami itong pangarap na nais matupad para sa kanila.
Nakapagpatayo na ito ng bahay para sa kanya at pamilya sa isang compound sa Fairview, Quezon City. Meron ng isang jeep pampasahero at tatlong tricycle para sa negosyo ng pamilya at ipinaaayos pa ang five-door apartment sa Novaliches.
After Juan dela Cruz, gusto ng aktor ng project na pinaghalong action-drama at comedy.