Hindi naki-cooperate ang weather kahapon sa motorcade ni Megan Young mula Ayala Avenue sa Makati City hanggang Mall of Asia sa Pasay City. Inulan ang parada na inabangan ng maraming tao at nagresulta sa trapik na ikinaimbiyerna ng mga motorista at mga pasahero
Bale ba, hindi pa nakaka-recover ang mga pasahero at motorista sa overacting na trapik sa EDSA noong Huwebes ng gabi.
Dusa as in capital dusa ang inabot ng ating mga pobreng kababayan dahil tumagal ng tatlo hanggang apat na oras ang biyahe nila. May mga kakilala ako na umalis sa The Fort sa Taguig City ng 8 p.m. at nakarating sa Quezon City ng 11:30 p.m. ’Yan ang epekto ng malakas na ulan na nagdulot ng baha sa maraming lugar sa Metro Manila. Signal No. 2 na nga kahapon.
MMDA binira sa matinding traffic
Walang nagawa ang mga nagreklamo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil may permit ng MMDA ang motorcade ni Megan.
Si MMDA Chairman Francis Tolentino ang punong-abala sa pag-aasikaso sa motorcade ng bagong hirang na Miss World.
Hindi na puwedeng i-postpone o ilipat sa ibang araw ang motorcade dahil nakapaghanda na ang MMDA. Walang nag-akala na biglang magiging masungit ang panahon noong Huwebes hanggang kahapon. Hindi ba kumonsulta sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) ang organizer ng motorcade?
Edu paaaminin na si Megan sa karelasyon!
Pinoy Pride ang theme ngayong gabi ng What’s Up, Doods? na talk show ni Edu Manzano sa TV5.
Si Megan Young ang isa sa mga guest ni Edu sa What’s Up Doods? Kababalik lamang ni Megan sa Pilipinas noong Huwebes.
Dapat abangan ang kuwentuhan ni Edu at ni Megan na mangiyak-ngiyak nang salubungin ng napakaraming supporters sa NAIA Terminal 1 sa Pasay City.
Mapaamin kaya ni Edu si Megan sa tunay na relasyon nito kay Mikael Daez? Matagal nang natsitsismis ang dalawa pero consistent sila sa pagde-deny. Pati ang madir ni Megan, nag-dialogue na magkabarkada lang ang kanyang anak at si Mikael.
Hindi lamang si Megan ang guest sa What’s Up Doods? dahil mga bisita rin sina Ramon Bautista, Empoy Marquez, at Rhianna Floresca (Animax Ani-mate grand winner).
Mapapanood pa rin sa show ni Edu ang regular segments, ang Got Your Back, Comedy Sketches: Confessions of a Tambay at Pinoy Palusot, Praisebook, at Bwitter. Ang What’s Up, Doods? ay napapanood tuwing Sabado ng gabi, alas-nuwebe sa Kapatid station.
Jake at Paulo parehong komplikado ang love life
Sa Nov. 6 na pala ang playdate ng Status: It’s Complicated, ang pelikula nina Maja Salvador, Solenn Heussaff, Jake Cuenca, Paulo Avelino, at Eugene Domingo.
Si Mother Lily Monteverde ng Regal Entertainment, Inc. ang produ ng Status: It’s Complicated.
Sa mga bida ng pelikula, tunay na complicated ang status ng mga pakikipagrelasyon nina Paulo at Jake. Luma na ang balita na hiwalay na si Paulo kay LJ Reyes pero never na umamin o nag-deny ang dalawa.
Pareho ng stand sina Paulo at Jake dahil hindi nito kinukumpirma ang tsismis na tapos na ang love affair nila ni Lovi.
Walang problema sa love life sina Maja at Solenn. Si Gerald Anderson pa rin ang love of my life ni Maja at maligayang-maligaya si Solenn sa kanyang boyfriend na foreigner. Lalong walang problema si Eugene sa love life dahil wala siyang love life. Si Eugene ang tunay na nganga ang love life dahil hindi pa niya nakikita ang mhin na magpapatibok sa kanyang P… as in puso!