Carmina at Janice papalitan sina Charlene at Toni

MANILA, Philippines - Kinumpirma ng isang malapit kay Carmina Villaroel na sila na nga ni Janice de Belen ang magiging co host ni Tito Boy Abunda sa bagong The Buzz na eere simula sa October 20.

Yup, sadly mawawala na sina Charlene Gonzales at Toni Gonzaga sa prog­rama.

At mag-iiba na rin daw ang format. Hindi na raw ito purely showbiz-oriented talk show dahil mapapanood na rin ang interview sa mga controversial personalities.

“Parang combination na ng The Buzz and SIR (na nagbabu na sa ere),” sabi ng source.

Maganda raw kasi ang naging feedback kina Janice at Carmina kaya isasama na sila kay Tito Boy.

Tiyak maraming makaka-miss kina Charlene at Toni. Lalo na siguro si Charlene na ‘yun lang ang show sa ABS-CBN. Bigyan kaya siya ng panibagong assignment? Sayang kasi ang galing pa naman niyang mag-host. Or maybe a teleserye na parang mala-Gretchen Barretto ang pattern?

KC nag-enjoy sa game ni Chandler Parsons

“Great seats to a great game +my !st live basketball game ever. Salamat. @chandlerparsons,” ang caption ng photo na inilagay ni KC Concepcion after niyang manood ng game ng Rockets vs. Indiana Pacers sa MOA Arena.

So ano ba talaga ang status ng dalawa?

Eh balitang may GF naman ang NBA player na si Chandler Parsons.

Melai tumigil na sa trabaho

Tumigil na pala sa trabaho ang buntis ngayong si Melai Cantiveros.

Pinag-uusapan siya kahapon ng mga kaibigan niyang sina Kris Aquino at Angelica Panganiban sa Kris RealiTV kung saan naging co host si Angelica.

Si Kris pinapa-check niya raw sa assistant niyang si Darla kung may kaila­ngan si Melai dahil umuwi na pala ito ng General Santos. Nag-aalala raw si Kris na baka kasi may kailangan since hindi na ito nagtatrabaho. Pero ma-pride raw si Melai dahil ang sabi nito ay wala siyang kailangan.

Maging si Angelica raw ay nag-check kung may kailangan ito, pero sinabi rin nito na wala.

Pareho raw silang mangiyak-ngiyak nang malamang buntis si Melai.

Sinabi rin ni Kris na magiging ninang siya sa kasal nina Melai at Jason Francisco at si Bimby  ay magiging ring bearer.

Pero kahit wala na siyang trabaho ngayon, mapapanood pa rin si Melai sa magsisimulang I Dare You. Ito ang second season ng reality show. As early as last year pa kasi ito nasimulan so may nakabangko silang mga pa episode.

Sa bagong season ng I Dare You magkasamang haharapin ng celebrities at mga extraordinaryong Pilipino ang mga hamon ng totoong buhay simula nga­yong Sabado (Oct. 12).

Kasama ni Melai sina John Prats, former Pinoy Big Brother housemate na si Deniesse Aguilar at Robi Domingo, susubukin ng programa ang lakas ng loob at tibay ng damayan ng mga magkakasanggang Celebrity Kakampi at Bidang Kapamilya sa kanilang pamumuhay at pagsuong sa mga pagsubok nang magkasama.

Ang mga Bidang Kapamilya ay mga karaniwang Pilipinong araw-araw na hindi inuurungan ang mga  hamon ng buhay, gaya ng mga bumbero, sports coach, magsasaka, atleta, sundalo, traffic aide, guro, at iba pa. Sila ang mga tinaguriang ‘unsung heroes’ na walang sawang kumikilos o kumakayod para makatulong sa iba.

Ibinahagi ni John na bilang hosts, kailangan din nilang malampasan ang ibang pagsubok sa programa na pinagdadaanan ng parehong celebrities at Bidang Kapamilya.

“‘Yun ang maganda ngayong season, may immersion, hindi lang parang gagawin mo siya ng isang araw, na ganito, magbenta ka sa palengke. Mas naiintindihan ko na ang buhay ng iba. Hindi ko akalang kakayanin ko ‘yung mga pinasok ko, pero nung nandun na tapos may mga nakasalalay, ginawa ko. Masarap na nakakatulong ka sa iba,” ani John.

Ayon naman kay Robi, minsa’y umaabot pa sa limang araw hanggang halos isang buwan na magkasama ang Celebrity Kakampi at Bidang Kapamilya.

“‘Yung ibang celebrity hindi umuuwi, o kung umuuwi man babalik at babalik sila para makabuo ng koneksyon, para isabuhay ang experiences ng Bidang Kapamilya,” aniya.

Excited naman si Deniesse sa pinakauna niyang hosting project pagkatapos na lumabas sa Bahay ni Kuya. Bukod daw kasi sa natutunan niya kung paano magbato ng linya, natuto rin siyang makisalamuha at maki-relate sa mga Bidang Kapamilya.

“Malaking opportunity at break talaga ito sa akin. ‘Dun ako nagpapasa­lamat dahil nag-grow ako as a host and as a person. ” pahayag ni Deniesse.

TV5, bubusisiin ang bilang ng may HIV at AIDS na Pinoy

Upang buksan ang isip ng mga manonood tungkol sa dumaraming kaso ng HIV sa bansa, magpapalabas ang TV5 ng isang primer na magtatampok sa buhay ng mga mayroong HIV at sakit na AIDS.

Mula sa unang kaso ng AIDS sa bansa, hanggang sa papataas na mga datos ng nagkakaroon ng HIV buwan-buwan, ang primer na Positive : Ang Dapat Mong Malaman ay magpapalabas ng mga impormasyon tungkol sa HIV at mga panayam sa mga may HIV na matapang na humarap sa kamera.

Itatampok rin ang proseso kung paano nabuo ang programa, ang kauna-unahang teleserye tungkol sa HIV sa bansa. 

Bukod pa rito, ipapakita rin ang mga pinagdaanang immersion ng mga artista ng serye, ng production staff, at kung paano nabuksan ang kanilang mga isipan at damdamin sa isang realidad na madalas ay isinasantabi ng lipunan.

Ipapalabas ito ngayong Sabado, Oct. 12, 4:00 p.m. at sa Linggo Oct. 13, 10:00 p.m. sa TV5. Si Martin Escudero ang bida rito.

At sa ipinapanood sa unang episode the other night, sobrang nakaka-touch ang story at may matututuhan talaga.

                                                                                               

 

 

 

 

Show comments